Pebrero 11, 2024
Matapos ng tatlong araw na pamamalagi ng imahen ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ng Quiapo sa ating Dambana at Parokya ay babalik na ito sa kanyang tahanan. Tiyak, mananatili sa ating mga puso ang alaala ng awa, pagpapala at grasya na ating natanggap mula sa Diyos habang nagninilay sa mga pasakit na pinagdaanan ni Hesus sa Daan ng Krus. Malapit na malapit ang imahen ng Poong Nazareno sa mga taga-Marikina sapagkat sa lahat ng mga sakuna, dagok at pagsubok sa buhay, ang debosyon natin sa Mahal na Inang Mapag-ampon ang naglalapit sa atin tungo sa kanyang Anak na si Hesus.
Sa imahen ng Nuestra Señora delos Desamparados ay may hawak na Krus ang Sanggol na si Hesus. Ngayon naman ay pinagnilayan natin nang mataimtim ang Hesus na buhat buhat ang Krus. Ang imaheng dumalaw mula sa Quiapo ay simbolo na hindi lang tayong mga taga-Marikina ang deboto nito. Bagkus, kasakasama natin ang mga kapatid mula sa iba't ibang panig ng bansa na namimintuho, nag-aalay at pinagkakaisa ang sariling dinaranas na hirap sa mga pasakit ng Poong Hesus Nazareno.
Bumalik mang muli ang Kanyang imahen sa dating lugar, alalahanin nating pinakamakakapiling at makakapagkaisa natin si Hesus sa bawat Banal na Misa. Doon ay matatanggap natin Siya sa Banal na Komunyon, dugo at katawan at ang regalong iyon ay hindi mawawala sa atin.
Viva Poong Hesus Nazareno!