Maligayang Paggunita kay San Sebastian, martir! Kaunti lamang ng ating nalalaman sa santo na ating inaalala ngayon at isa rito ay isa siyang kawal ng mga romano noong panahong AD 283. Kaya siya sumali rito ay upang ipagtanggol ang mga Kristyano na kinukulong at pinapatay ng mga Romano noong panahong iyon. Naging matagumpay si San Sebastian sa pagkumbinse sa maraming tao na sila ay magbago at maging Kristyano. Gayunpaman, nalaman ito ng ibang kawal at ibinalita sa Emperador na si Diocletian na si San Sebastian ay isang Kristiyano. Dahil dito, si San Sebastian ay itinali at inutusan ng Emperador na siya ay panain. Inakala ng mga kawal na namatay na si San Sebastian kaya pinabayaan nila ito. Ang hindi alam ng iba ay buhay pa rin siya. Inalagaan siya ng nakakuha sa kanya at matapos niyang gumaling, pinuntahan ni San Sebastian ang Emperador para bigyan ng kritisismo dulot ng pag-uusig at pagpatay sa mga kapwa Kristiyano. Nakalulungkot dahil matapos malaman ng Emperador na buhay pa rin si San Sebastian, ipinahuli ulit siya at pinaghahampas ng mga kawal hanggang mamatay.
Maaaring hindi natin nararanasan ang pagdurusa na naramdaman ng santo na ating ginugunita ngayon, ngunit tayo ba ay patuloy na naninindigan sa ating pananampalataya? Sa ating kultura ngayon, maraming mga Katoliko ang inuusig ng kanilang kapwa kapamilya at mga kaibigan dahil sa ating pananampalataya. Tayo ay pinipilit na sumang-ayon sa maling paniniwala at ideolohiya na taliwas sa katuruan ni Kristo katulad ng lgbt+ ideology, diborsyo, aborsyon at iba pa. Maraming tao rin ang pinagtatawanan lamang ang ating debosyon at mga panalangin. Ano ang ginagawa natin sa mga panahong ito? Itinatago lamang ba natin ang ating pananampalataya na tila ay kinahihiya natin ito? Tayo po ba ay nagpapadala sa maling paniniwala ng mundo? O nanatili tayong matatag sa ating paninindigan dahil sa ating pananampalataya kay Hesus? Tulad ni San Sebastian, maging modelo tayo sa kapwa Kristiyano sa pamamagitan ng pagtayo sa ating paniniwala sa kabila ng pag-uusig na ating nararanasan sa ating buhay. Maaaring magdusa tayo ngunit manatili tayong umasa sa pangako ng ating Panginoong Hesus sa buhay na walang hanggan sa Kanyang kaharian sa langit.
San Sebastian, ipanalangin mo kami.