Pebrero 2, 2025.
MABUTING BALITA
Lucas 2, 22-40
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Nang dumating ang araw ng paglilinis sa kanila ayon sa Kautusan ni Moises, si Hesus ay dinala ng kanyang mga magulang sa Jerusalem upang iharap sa Panginoon, sapagkat ayon sa Kautusan, “Ang bawat panganay na lalaki ay nakatalaga sa Panginoon.” At naghandog sila, ayon sa hinihingi ng Kautusan ng Panginoon: “Mag-asawang batu-bato o dalawang inakay na kalapati.”
May isang tao noon sa Jerusalem, ang pangala’y Simeon. Matapat at malapit sa Diyos ang lalaking ito at naghihintay sa katubusan ng Israel. Sumasakanya ang Espiritu Santo na nagpahayag sa kanya na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas na ipinangako ng Panginoon. Sa patnubay ng Espiritu, pumasok siya sa templo. At nang dalhin doon ng kanyang mga magulang ang sanggol na si Hesus upang gawin ang hinihingi ng Kautusan, siya’y kinalong ni Simeon. Ito’y nagpuri sa Diyos, na ang wika,
“Kunin mo na, Panginoon, ang iyong abang alipin,
ayon sa iyong pangako yamang nakita na ng aking mga mata ang iyong tagapagligtas,
na inihanda mo para sa lahat ng bansa:
Liwanag itong tatanglaw sa mga Hentil,
at magbibigay-karangalan sa iyong bayang Israel.”
Namangha ang ama’t ina ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa kanya. Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, “Tandaan mo, ang batang ito’y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel, isang tanda mula sa Diyos ngunit hahamakin ng marami kaya’t mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil diyan, ang puso mo’y para na ring tinarakan ng isang balaraw.”
Naroon din sa templo ang isang propetang babae na ang pangala’y Ana, anak ni Fanuel na mula sa lipi ni Aser. Siya’y napakatanda na. Pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, nang siya’y mabalo. At ngayon, walumpu’t apat na taon na siya. Lagi siya sa templo at araw-gabi’y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin. Lumapit siya nang oras ding iyon at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol kay Hesus sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem.
Nang maisagawa nila ang lahat ng bagay ayon sa Kautusan, bumalik na sila sa kanilang bayan, sa Nazaret, Galilea. Ang bata’y lumaking malakas, marunong at kalugod-lugod sa paningin ng Diyos.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Ayon sa kautusan ni Moises, ang panganay na lalaki ay sa Panginoon. Kaya 40 araw matapos ang pagkapanganak ng sanggol, sila ay dinadala sa templo. Mayroong propeta sa templo na ng pangalan ay Simeon. Ang kanyang tanging layunin ay ang makita ang Mesiyas na inaabangan ng Israel. Sa paghihintay sa Mesiyas umiikot ang kanyang buhay kaya wala siyang ginawa kundi magdasal. Ganoon din ang propetang si Ana. Kapag sa ating buhay ay wala tayong hinahangad pa na labis para sa ating sarili, doon natin maibibigay ang sarili nang buo sa Diyos. Tandaan natin na ang buhay dito ay maiksi lamang. Sa Diyos tayo nanggaling at sa Diyos tayo babalik subalit makakabalik lamang tayo doon kung sa Kanya rin tayo magpapagabay. Ang pupuno sa ating sarili ay hindi ang inaakala nating pinakamainam na plano natin para sa sarili kundi ang plano ng Diyos. Siya ang nakakaalam ng lahat. Sa Kanya natin ipagkatiwala ang ating sarili at buhay. Kung Siya rin at ang Kanyang Salita ang ating susundin, makakabalik tayo sa Diyos at hindi tayo maliligaw sa ating direksyon sa buhay. Kapag binigay natin nang buo ang sarili at buhay sa Diyos upang ang plano Niya ang masunod, magkakaroon tayo ng kasiyahan, kapanatagan ng loob at kapayapaan na hindi natin matatagpuan makuha man natin ang lahat ng yaman sa mundo. Amen. +