Si San Blas ay isang obispo at martir. Kaunti lamang ang nalalaman sa kanyang buhay ngunit naging tanyag siya dahil sa himalang pagpapagaling sa isang batang muntik mamatay dahil sa nagbarang tinik sa lalamunan nito. Dahil dito, kinilala si San Blas bilang patron ng mga maysakit sa lalamunan.
Sa kabila ng kanyang kabanalan at pagmamalasakit sa kapwa lalo na sa maysakit, si San Blas ay nagdusa sa kamay ng mga mang-uusig. Pinahirapan siya at sa huli ay pinatay dahil sa kanyang pananampalataya. Ang kanyang buhay ay isang patunay ng matibay na paninindigan sa Diyos, kahit pa ito ay humantong sa sakripisyo ng sariling buhay.
Iniimbitahan tayo ng pagdiriwang sa araw na ito upang tularan si San Blas. Sa ating panahon ngayon, maraming tao ang nangangailangan ng pagpapagaling, hindi lamang sa pisikal na sakit kundi pati na rin sa sugat ng kanilang damdamin at kaluluwa. Tinuturuan tayo ni San Blas na maging instrumento ng kagalingan sa pamamagitan ng ating pagmamalasakit, pagtulong at pagdarasal para sa mga taong ito.
Gaya ni San Blas, huwag nawa tayong mag-alinlangang ipagtanggol ang ating pananampalataya. Huwag tayong matakot sa pangungutya o pag-uusig. Tinatawag tayo upang maging matatag sa ating paninindigan at ipakita ang tunay na diwa ng Kristiyanismo sa pamamagitan ng pagmamahal at paglilingkod da kapwa. Nawa’y maging inspirasyon natin si San Blas upang tayo rin ay maging kasangkapan ng Diyos sa pagpapagaling, hindi lamang sa sakit ng pisikal kundi pati na rin sa sakit ng kaluluwa.
San Blas, ipanalangin mo kami!