Enero 19, 2025
MABUTING BALITA
Lucas 2, 41-52
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Taun-taon, tuwing Pista ng Paskuwa, ang mga magulang ni Hesus ay pumupunta ng Jerusalem. At nang labindalawang taon na siya, pumaroon sila gaya ng dati nilang ginagawa. Pagkatapos ng pista, sila’y umuwi na. Nagpaiwan si Hesus sa Jerusalem ngunit hindi ito napansin ng kanyang mga magulang. Sa pag-aakala ng isa na si Hesus ay kasama ng isa, nagpatuloy sila sa maghapong paglalakbay. Nang malaman nilang hindi siya kasama, siya’y hinanap nila sa kanilang mga kamag-anak at kakilala. Hindi nila siya matagpuan, kaya’t bumalik sila sa Jerusalem upang doon hanapin. At nang ikatlong araw, natagpuan nila si Hesus sa loob ng templo, nakaupong kasama ng mga guro. Nakikinig siya sa kanila at nagtatanong; at ang lahat ng nakarinig sa kanya ay namangha sa kanyang katalinuhan. Nagtaka rin ang kanyang mga magulang nang siya’y makita. Sinabi ng kanyang ina, “Anak, bakit naman ganyan ang ginawa mo sa amin? Balisang-balisa na kami ng iyong ama sa pag-hahanap sa iyo.” Sumagot siya, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na ako’y dapat na nasa bahay ng aking Ama?” Ngunit hindi nila naunawaan ang pananalitang ito.
Siya’y umuwing kasama nila sa Nazaret, at naging isang masunuring anak. Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso. Patuloy na lumaki si Hesus. Umunlad ang kanyang karunungan at lalong kinalugdan ng Diyos at ng mga tao.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Malapit sa puso ng mga Pilipino ang debosyon sa Señor Sto. Niño. Sa wikang Ingles, ang ibig sabihin nito ay “Holy Child”. Ang “Holy Child” na ito ay walang iba kundi si Hesus. Makikita ang imahen Niya na ito bilang isang bata sa napakaraming bahay at tindahan o kainan. Ang imahen na ito ay tanda rin ng simula ng ating pagiging Katoliko dahil ito ang kauna-unahang imahen na ibinigay kay Doña Juana, isang reyna sa Pilipinas noong panahon na iyon. Nasa kasaysayan na natin ito, ngunit ano nga ba ang ibig sabihin ng imahen na ito para sa atin? Ano ang sinasabi ng Diyos sa atin ngayon?
Mababasa natin sa ebanghelyo ang pagkawala ni Hesus sa templo noong Siya ay labindalawang taong gulang pa lamang. Sa Kanyang edad, may alam na Siya sa Kanyang misyon mula sa Ama ngunit sa kabila nito at ng pagiging Diyos, sumusunod pa rin Siya sa Kanyang mga magulang. Tayo rin ay inaanyayahang ibaba ang ating sarili, tanggapin ang ating mga kahinaan at pagkakamali at sumunod sa plano ng Ama para sa ating buhay. Marahil napakarami nating plano sa buhay at pangarap na gustong gusto nating matupad. Ngunit tanggapin natin ang katotohanan na hindi tayo laging tama, at tila tayo mga tupa na sa malapit lamang nakakakita. Hindi natin kayang makita ang hinaharap at hindi natin alam ang lahat. Hindi tayo tulad ng Diyos. Kaya nga, bilang mga bata at Kanyang mga anak, hilingin natin na matuto nawa tayong magtiwala sa Kanya nang lubos at nang tayo ay makapakinig sa Kanyang plano sa ating buhay. Kung ano man ito, ito ang pinakamainam para sa atin. Isa sa paraan para malaman ito ay maglaan tayo ng oras upang manalangin araw-araw bago matulog at pagkagising. Pagnilayan natin ang Kanyang Salita araw-araw, sapagkat lagi Siyang mayroong bagong sinasabi sa atin na gagabay sa atin sa ating buhay. Amen. +