Ipinagdiriwang natin ngayon sa unang pagkakataon ang Pambansang Kapistahan ng Jesus Nazareno. Ito ay bunga ng pag-apruba ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa petisyon na ipagdiwang sa buong Pilipinas ang Kapistahan ng Jesus Nazareno tuwing ika-9 ng Enero.
Ang imahen ng Jesus Nazareno ay nagmula sa Mexico at dinala sa Pilipinas ng mga paring Agustino noon pang 1606. Pinaniniwalaang mapaghimala ang nasabing imahen kaya ganoon na lamang ang pagnanasa ng mga deboto na ito ay mahawakan, mahalikan, o kahit maipunas man lamang sa banal na imahen ang dala-dala nilang mga panyo. Taun-taon ay nakamamangha rin ang dami ng tao na sumasama sa prusisyon na mas kilala sa tawag na Traslacion. Milyon milyon ang nagpupunta sa Quiapo at ang mga tao ito ay mula pa sa iba’t ibang panig ng bansa. Bawat isa ay may bitbit ang panalangin para sa kanilang pamilya at mga mahal sa buhay.
Kaya siguro ganoon na lamang ang tindi ng debosyon ng mga Pilipino sa Jesus Nazareno dahil sumasalamin ito sa pag-ibig ng Diyos. Nakikita ng mga tao ang kanilang paghihirap sa paghihirap ng Panginoon. Dahil sa Kanya, nararamdaman ng bawat deboto na mayroong Diyos na pwede nilang lapitan – Diyos na handang dumamay sa kanilang pinagdaraanan at nakaiintindi sa kanilang nararamdaman. Tunay nga na sa pamamagitan ng imahen ng Jesus Nazareno ay masasabi nating Siya ang Emanuel – ang Diyos na sumasaatin.
Sa pagdiriwang ng kapistahang ito, inaanyayahan tayo upang patuloy na pagtibayin ang ating pananampalataya sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Anuman ang ating pinagdadaanan, magtiwala tayo na hindi Niya tayo pababayaan. Ilapit natin sa Kanya ang ating kahilingan para sa kalusugan at kaligtasan ng ating pamilya at mga kaibigan. Makakaasa tayo na nakikinig Siya sa ating mga panalangin. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay isang Diyos na nagmamahal sa atin. Hindi Niya tayo pababayaan o iiwanan kahit sa oras ng paghihirap. Magtiwala lamang tayo sa Kanya.
Viva Poong Jesus Nazareno!