Enero 12, 2025
MABUTING BALITA
Lucas 3, 15-16. 21-22
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon: Naghahari sa mga tao ang pananabik sa pagdating ng Mesiyas at ang akala ng marami’y si Juan ang kanilang hinihintay. Kaya’t sinabi ni Juan sa kanila, “Binibinyagan ko kayo sa tubig, ngunit ang darating na kasunod ko ang magbibinyag sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy. Siya’y makapangyarihan kaysa sa akin, at ni hindi ako karapat-dapat magkalag ng tali ng kanyang panyapak.”
Nabinyagan na noon ang lahat ng tao, gayun din si Hesus. Nang siya’y nananalangin, nabuksan ang langit at bumaba sa kanya ang Espiritu Santo sa anyong kalapati. At isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Ngayon po ay ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon. Ito rin po ang huling araw ng panahon ng Kapaskuhan. Bukas ay babalik na tayo sa Karaniwang Panahon subalit ang bagong panahong ito ay mapupuno pa rin ng mga hindi karaniwang pangyayari kung igugugol natin ang oras na ito sa pananalangin, paglago sa pananalig, pagpapatawad at sa pagbibigayan kahit tapos na ang panahon ng Kapaskuhan. Ang pagbibinyag ni Juan Bautista kay Hesus ay hudyat ng simula ng pampublikong ministeryo ng ating Panginoon. Magsisimula na ang tatlong taon Niyang pamamalagi sa mundo upang magpagaling ng mga maysakit, magpalayas ng demonyo at mangaral ng Mabuting Balita. Tayo rin ay nagsisimula ang misyon ngayon. Kung paanong nakatanggap tayo mula sa Diyos ng materyal at espirituwal na biyaya noong nakaraang Kapaskuhan, dapat din tayong magbahagi sa iba. Hindi natatapos ang misyon natin sa ating “comfort zone”. Inaanyayahan din tayo ni Hesus na maglingkod at magbigay sa mga kapwang nangangailangan na nasa paligid natin na hindi maibabalik ang anumang iabot nating tulong sa kanila. Ano kaya ang iyong misyon sa buhay? Panahon na upang madiskubre rin ito. Ano ang mga bagay na hindi mo pa nagagawa o hindi mo pa ginagawa ng mabuti at may pag-ibig? Marahil, kasama sa misyon na ito ang pag-aalaga sa kamag-anak na maysakit nang may buong pasensiya, kasama ang pananalangin para sa kanya at sa lahat ng mga maysakit. Hindi tayo nabubuhay para sa sarili lamang. Ang buhay natin ay mas nagiging makabuluhan, habang sinisikap natin itong ialay sa Diyos at sa iba sa ating sariling munting paraan. Amen. +