Pebrero 11, 2024.
MABUTING BALITA
Marcos 1, 40-45
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, may isang ketonging lumapit kay Hesus, nanikluhod at nagmakaawa: “Kung ibig po ninyo’y mapagagaling ninyo ako.” Nahabag si Hesus at hinipo siya, sabay ang wika, “Ibig ko. Gumaling ka!” Noon di’y nawala ang ketong at gumaling ang tao. Pinaalis siya agad ni Hesus matapos ang ganitong mahigpit na bilin: “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay pasuri ka sa saserdote. Pagkatapos, maghandog ka ayon sa iniutos ni Moises, upang patunayan sa mga tao na ikaw ay magaling na.” Ngunit umalis siya at bagkus ipinamalita ang nangyari, anupat hindi na hayagang makapasok ng bayan si Hesus. Naroon na lamang siya sa labas, sa mga ilang na pook, at doon pinagsasadya ng mga tao buhat sa iba’t ibang dako.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Tuwing ika-11 ng Pebrero ang paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Lourdes subalit ngayong taon ay natapat ito ng Linggo kaya ang liturhiya po ngayon ay para sa Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon. Kahit ganito, talagang maraming pagpapagaling ang ginawa ni Hesus kaya nga ang ebanghelyo natin ngayon ay tungkol sa paghihilom niya sa isang ketongin. Isang ketongin na pinandidirihan ng lahat ang lumapit sa Panginoon at humiling sa Kanya. Bawal na bawal ang makihalubilo sa kanila at lalo ang hawakan sila dahil sila raw ay mga marurumi para sa mga Hudyo, subalit ganoon nga ang ginawa ni Hesus.
Hinawakan Niya ang ketongin upang ito ay pagalingin. Para sa Diyos, hindi nakakadiri ang sakit natin. Ganito rin dapat tayo sa mga kapatid nating may karamdaman. Habag, awa at panalangin at kailangan nila. Tulad ni Hesus, ang misyon natin ay para rin sa maysakit, hindi man upang pagalingin sila sa pamamagitan ng himala ngunit ang paglingkuran sila, bisitahin sila upang pagaanin ang kalooban at ilapit sa Diyos. Hindi laging kailangang maglabas ng pera upang tumulong. Maraming grupo sa Simbahan ang tumutulong sa maysakit, bakit hindi natin subukang sumali? Ito ay magiging daan natin papuntang Langit dahil ito ang utos at ibig ng Diyos na gawin natin.
Nakakahanga na naipagpasa-Diyos ng ketongin ang desisyon kung siya ay pagagalingin o hindi. Wika niya kay Hesus, “Kung ibig po ninyo’y mapagagaling ninyo ako.” Ilan kaya sa atin ang totoong kayang bitiwan ang mga hinihiling natin at hayaan ang Diyos magpasiya? Kung gagawin natin ito’y tiyak higit pa sa ating kahilingan ang ibibigay ng Diyos sa atin, hindi man natin ito agad makita.
Maglingkod tayo sa Kanya at tayo ay bibigyan Niya ng kapayapaang walang katulad sa mundo. Ito ay nananatili sa gitna ng mga pagsubok at sakit bilang patunay ng Kanyang presensiya sa taong sumusunod sa Kanya hindi lang sa salita kundi sa gawa.