Sa ating ebanghelyo ngayon, pinapaalalahanan tayo na tularan ang ugali ng mga bata. Ano ba ang katangian ng isang bata?
Enero 21, 2024
Pagninilay:
Masaya nating ipinagdiriwang ngayon ang Kapistahan ng Banal na Sanggol o Santo Niño!
Nagsimula ang debosyon sa Santo Niño noon pang 1521 nang iniregalo ni Ferdinand Magellan ang imaheng ito kay Reyna Juana matapos siyang magpabinyag. Sa loob ng limang daang taon, patuloy na yumabong ang pagmamahal ng mga Pilipino sa Santo Niño. Sa katunayan, ang imahen ng Banal na Sanggol ay matatagpuan mo sa halos lahat ng Katolikong tahanan lalo na sa Tondo, Pandacan, at Cebu. Maging sa mga paaralan, opisina, ospital, o kahit sa mga jeep ay matatagpuan mo rin ang imahen Niya. Dahil dito ay pinahintulutan ng Roma na ipagdiwang ang Kanyang kapistahan sa Pilipinas tuwing ikatlong Linggo ng Enero.
Sa Marikina, mayroon din tayong natatanging debosyon sa Banal na Sanggol. Matatagpuan ang Kanyang kapilya sa Barangay Santo Niño. Bagaman walang malinaw na detalye ukol sa pinagmulan ng imahen, matatagpuan naman sa ulat pastoral ng parokya noong 1905 ang ulat tungkol sa presensiya ng Kanyang imahen at visita sa naturang baranggay.
Sa ating ebanghelyo ngayon, pinapaalalahanan tayo na tularan ang ugali ng mga bata. Ano ba ang katangian ng isang bata?
Una, ang bata ay mapagtiwala. Kung mapapansin ninyo, karamihan sa mga bata ay hindi nangangamba sa kung ano ang kanilang kakainin sa kinabukasan. Ito ay sapagkat alam nilang ibibigay ng kanilang magulang ang kanilang pangangailangan. Maging mapagtiwala rin nawa tayo sa ating Diyos. Sa imahen ng Santo Niño, makikita na ang mundo ay nasa Kanyang palad. Ibig sabihin, tayong lahat ay nasa Kanyang pangangalaga kaya huwag tayong mangamba. Lagi tayong magtiwala sa Kanyang grasya at pag-ibig sapagkat hindi tayo pababayaan ng Diyos.
Pangalawa, tularan natin ang mga bata sa kanilang pagiging mapagpatawad. Kapag naglalaro ang mga bata, may pagkakataon na mag-aaway sila ng kanilang kalaro pero tingnan mo maya-maya bati na ulit yan at naglalaro na ulit. Kapatid, baka may galit ka sa isang tao na ilang taon nang nandyan sa iyong puso. Nais ni Hesus na magpatawad ka na.
Ikatlo, hindi mapagmataas ang mga bata. Sila ay mayroong kababaang-loob. Tayo kaya? Sana sa kabila ng ating mga galing, kakayanan at tagumpay, matuto pa rin tayong humingi ng tulong sa Diyos. Sa kabila ng ating mga yaman, makita sana natin na ang tunay na kayamanan ay sa Diyos natin matatagpuan. Wala tayong maipagmamalaki sa Diyos sapagkat ang lahat lahat na mayroon tayo ay nagmula sa Kanya. Maging magpasalamat sa lahat ng mayroon tayo. Ito ay simbolo ng kababaang-loob.
Matuto sana tayo sa halimbawa ng mga paslit. Katulad nila, mamuhay nawa tayo sa pagtitiwala, pagpapatawad at pagpapakumbaba. Maging banal nawa tayo gaya ng Banal na Sanggol. Señor Santo Niño de Marikina, kaawaan Mo kami. Viva Pit Señor!