Enero 21, 2024
MABUTING BALITA
Marcos 10, 13-16
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, may nagdala ng mga bata kay Hesus upang hilinging ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay; ngunit pinagwikaan sila ng mga alagad. Nagalit si Hesus nang makita ito, at sinabi sa kanila, “Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, huwag ninyo silang sawayin, sapagkat sa mga katulad nila naghahari ng Diyos. Ito ang tandaan ninyo: ang sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Diyos tulad ng isang maliit na bata ay hindi mapapabilang sa mga pinaghaharian niya.” At kinalong ni Hesus ang mga bata, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at pinagpala sila.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Maligayang Kapistahan po ng Panginoong Hesus, ang Banal na Sanggol! Paano nga tumanggap ang mga bata? Wala na silang maraming duda at alinlangan pa kapag ang magulang ang nagsasabi sa kanila. Madalas, buong buo ang kanilang tiwala. Hindi nila naiisip na sila ay mas magaling kaysa sa kanilang tatay at nanay. Tayo kaya, ganito rin ba tayo sa Diyos? Tayo ay naturingang mga anak Niya sa bisa ng ating binyag subalit tunay na bilang ama nga ba ang turing natin sa Diyos?
Kung totoo ang sinasabi sa atin ni Hesus, dapat kapag may turo ang Diyos sa salita at sa pamamagitan ng Simbahan ay inaalam at iniintindi natin nang buo. Nangyayaring kahit mga tagapaglingkod ng Diyos ay marahil hindi nalalaman na pinipilit na pala ang sariling kagustuhan kaysa sa tunay na pagsunod sa nararapat. Mahilig ang mga Pilipino sa pagsuway o mga “shortcut” para hindi mahirapan. Simpleng pagtapon ng kalat ay hindi natin magawa ngunit ang isang taong may puso na gaya ng isang bata ay sumusunod nang wala nang alinlangan, reklamo o tanong pa.
Mababa ang kanilang loob at hindi nag-iisip na sila ay mas angat kaysa sa iba. Hilingin natin mula sa Diyos na magkaroon tayo ng ganitong puso. Magsuri tayo ng sarili gamit ang sampung utos at magkumpisal. Maging mapagtiwala tayo sa Diyos lalo kapag tayo naman ay nananalangin. Huwag na tayong matakot pa. Magtiwala na tayo dahil mayroon tayong Ama sa Langit na handang ibigay ang lahat sa mga taong tunay na nagmamahal at naniniwala sa Kanya sa gitna ng mga pagsubok sa buhay.