Sino ba naman ang ayaw kumain? Kapag inalok kang kumain, kapag oras na ng kainan, karamihan sa atin ay nananabik: sa wakas, kakain na. Ganoon na lamang ang pagkaengganyo natin sa pagkain, sapagkat ito ay nagbibigay ng lakas at kahinahunan sa isip at katawan, ito ay tumutugon sa kakulangan sa pisikal na pangangailangan.
Kung ang pagkain ay nagbibigay kalakasan sa ating pisikal na pangangailangan, ang Kabanal- banalang Katawan at Dugo ni Hesukirsto ay tumutugon naman sa pangangailangang espiritwal, na siyang ating gabay sa ating pamumuhay sa araw- araw.
Sa Banal na Eukaristiya, tayo ay nakikibahagi kay Kristo. Ang Kanyang Katawan at Dugo ang Siyang nagbibigay ng buhay sa ating masalimuot at kadalasa’y lupaypay na pamumuhay. Kung wala si Kristo sa ating araw-araw na pamumuhay, tayo ay tigang, kulang at minsa’y pariwara; tinatahak ang mga madidilim at masasalimuot na daanan.
Kaya, sa tuwing tayo ay tinatawag na makibahagi sa Banal na Komunyon, tayo ay tinatawag ding magpanibagong buhay sa bawat madidilim na sandali tungo sa liwanag na dulot ng pakikipagtipan kay Kristo. Ganyan ang pag-ibig na lamang ng Diyos- patuloy Niyang ibinabahagi ang Kanyang Sarili para sa ating lahat.
Ang paghahandog ng Kanyang Sarili tuwing banal na misa ay isang patunay ng kanyang pag-ibig na walang pagpili, pag-ibig na ang tanging dulot ay pag-asa at pagpapanibago. Kaya, kung tayo man ay dumadaan sa gutom at uhaw dulot ng makasarili at mapag-imbot na mundo, lumapit tayo kay Kristo, tanggapin natin ang Kanyang Katawan at Dugo na napupuspos ng sustansiya na pumupuno at pumapatid ng kalam at pagka-uhaw hindi lamang sa pisikal na pangangailangan, higit sa lahat, sa pangangailangang espiritwal.
Arvin Valencia | OLA Social Communications