OLA, Marikina- Ginuta noong Hunyo 11, 2023 ang Kapistahan ng Banal na Katawan at Dugo ni Kristo o ‘Corpus Cristi’ sa pamamagitan ng isang banal na misa at pagtatanghal ng banal na sakramento sa kapilya ng San Pedro Apostol sa Brgy. Sto. Niño sa lungsod ng Marikina na pinamunuan ni Rb. Pd. Lamberto Ramos, Administrador ng Dambana ng Ina ng mga Walang Mag-ampon.
Nang matapos ang banal na misa, nagkaroon ng pagtatanod sa banal na sakramento mula ika-8 ng umaga ng hanggang ika-3 ng hapon ng mga iba’t ibang organisasyon at ministeryo, ito ay natapos sa pamamagitan ng isang taimtim na pagdarasal at meditasyon.
Ito ay sinundan ng prusisyon mula sa Kapilya ng San Pedro Apostol hanggang sa Dambana ng Ina ng mga Walang Mag-ampon. Ang kapistahan ay nagwakas sa pamamagitan ng isang misa na pinamunuan ni Rb. Pd Francis Madarang sa Parokya.
Sa kaniyang homiliya, binigyang diin ni Pd. Madarang ang karanasan ng pagiging isang “Eukaristiya” kung saan ito ay hinahati, dinudurog, at ibinabahagi ang sarili upang makapagbigay buhay.
“Mga kapatid, ito ang karanasan ng pagiging Eukaristiya na ipinagdiriwang natin sa araw na ito. Hinahati para ibigay sa ating lahat. Binibigyang halaga din ang karanasan na pinipiling mapiraso at maubos upang makapag-bigay buhay sa iba,” wika ni Pd. Madarang.
Binanggit rin ni Pd. Madarang na ang Panginoong Hesus, na binayubay sa krus, ay Siyang nasa anyong tinapay na tinatanggap ng mga mananampalataya sa pagdiriwang. Siya na hinati-hati at dinurog ay nasa mukha ng mga taong pinipiling mahati ang sarili upang makapaglingkod at makapagbahagi ng sarili.
“Ngayong kapistahan ng Corpus Cristi, ng katawan at dugo ni Kristo. Hilingin natin na sa pagtanggap natin kay Hesus sa Eukaristiya, tayo mismo ay maging buhay na Eukaristiya sa ating kapwa. Pinaghahati-hati, nadudurog, at nauubos para makapag-bigay buhay. Para maging muka ni Hesus sa mundong ito,” dagdag niya.
Mark Andrei de Leon | OLA Social Communications