TATLONG TANONG KAY BISHOP NOLLY (Isang Pakikipanayam)
Marga de Jesus | OLA Social Communications

Noong nakaraang buwan ay nagdiwang ng ika-30 taong anibersayo ng pagkapari si Lubhang Kagalang-galang Nolly Camingue Buco, JCD, JSD, DD, Katuwang na Obispo ng Diyosesis ng Antipolo at Kura Paroko ng Damba at Parokya ng mga Walang Mag-ampon.


Si Bishop Nolly, kung tawagin ng mga parokyano, ay ipinanganak sa Davao at nanirahan noong kanyang pagkabata sa Southern Leyte. Ngunit para sa kanya, siya ay nagbabalik kung saan siya minsang nanggaling. Ika-18 ng Oktubre ng taong 1993 ay naitalaga na siya sa parokya sa tatlong unang buwan ng kanyang pagkapari.


Habang nagtatrabaho noon, nakilala niya ang yumaong unang obispo ng Antipolo na si Lubhang Kagalang-galang Protacio C. Gungon, D.D. Siya ang gumabay sa kanya hanggang sa siya’y maging ganap na pari at ma-ordinahan ng parehong obispo sa ating diyosesis.


Bilang isang Kura Paroko, marahil ay marami nang nakakapansin na madali siyang lapitan. Katunayan, ang pakikipanayam na ito ay naisagawa matapos lamang niyang magmisa sa isang tipikal na araw sa parokya.


“Ano po ang inyong pakiramdam at naiisip ngayong may tatlong dekada na po kayong pari?”

“Pasasalamat na parang kailan lang, nakaraos din sa kabila ng mga pagsubok. Lalo na yung mga [bahagi] na hindi ‘smooth sailing’ kumbaga. May mga ‘doubts’ minsan dumarating. Minsan may mga hadlang at balakid. Malaking biyaya na napagtagumpayan kahit papaano, biyaya talaga. Iyong ‘devotion’ din talaga kay Mama Mary [ang nakatulong]. ‘She guided me’ na mapagtagumpayan ang lahat.”


Lingid sa kaalaman ng lahat, nabanggit ni Bishop Nolly sa isa pang pakikipanayam, na ang kanilang patrona sa barangay sa kanilang probinsiya ay “Our Lady of Peace and Good Voyage”. Matatandaang noong ika-8 ng Setyembre, Kapistahan ng Kapanganakan ng Mahal na Birheng Maria, naordinahan bilang obispo ang dati ay kilala sa pagiging Fr. Nolly Buco ng Dambana at Parokya ng Ina ng Kaliwanagan sa Cainta, Rizal. Naitalaga nga rin siya bilang Katuwang na Obispo ng Diyosesis ng Antipolo kung saan ang Mahal na Ina sa ilalim ng titulong 

kinagisnan niya ang patrona. 


Isang malaking bahagi ng pananampalataya ng isang pari, lalo na ang isang obispo, ang debosyon kay Birheng Maria. Kagaya ng mga apostol na pawang mga obispo rin ng ating Simbahan, nakasama nila ang Mahal na Ina unang-una noong Pentekostes, ang kapanganakan ng Simbahan. Tayo rin ay nangangailangan ng isang ina na gagabay sa atin at laging magtataas ng ating pananalangin sa Diyos simula umpisa hanggang dulo ng ating misyon. Sa buong paglalakbay ni Bishop Nolly bilang obispo at pari, makikita ang patnubay ng Mahal na Ina sa kung paano siya nagtagumpay sa kabila ng mga pagsubok.


“Ano po ang pinakamabuluhang pangyayari sa inyong buhay pagpapari?” 


“Iyong naging obispo ako. Hindi ko naman talaga akalaing magiging obispo ako.”

Si Bishop Nolly ay nakapagtapos ng dalawang “doctorate degree”. Isa sa “civil law” at isa sa “canon law”. Tila hindi lubos maisip ng mahal na kura na magiging pari siya dahil sa kahirapan ng kanilang buhay noon. Ngayon, hindi lang siya isang ganap na pari, kundi isang “canon lawyer” at obispo rin. Bilang “canon lawyer”, mayroon siyang responsibilidad na magsuri at maghatol ng mga kaso sa loob ng Simbahan. Bilang Katuwang na Obispo, pumapangalawa siya sa tungkulin para sa pangangasiwa ng diyosesis. 


“Ano ang paborito ninyong bersikulo mula sa Bibliya na naging gabay ninyo sa buhay?”


“Ano nga ang mapapala ng tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung mapapahamak naman at mawawala ang kanyang buhay?” Lucas 9:25

Aniya ni Bishop, minsan na raw siyang naging materyalistik. May yugto sa kanyang buhay na nangamba siyang maging tulad ng iba na hindi naging mabunga ang buhay pagpapari. Nag-isip siya ng posibleng ibang karera sa buhay sakaling mangyari iyon. Ito ang dahilan kung bakit siya nag-aral ng “civil law”. Sa kabila ng mga krisis at duda sa mga naranasan, mas pinili pa rin niya ang buhay pagpapari. Dagdag pa niya, naisip daw niyang hindi niya ipagpapalit ang pagiging pari kahit pa sa pagiging abogado. Nabanggit nga rin niyang mayroon pa ngang mga abogado na iniwan ito upang maging pari. Hindi niya gagawin ang kabaligtaran nito. 

Para sa kanya, mas matimbang at mas mahalaga pa rin kung saan siya tinawag ng Panginoong Diyos. Kaya ngayon, naririto ang mahal na kura at patuloy pa ring nagsisilbi sa Diyos at nag-iisang ina na gumabay sa kanya simula noon – ang Mahal na Birheng Maria.


Ang kanyang testamento rin nawa ang magpatibay ng ating sariling pagtugon sa tawag ng Diyos sa atin. Maging malakas nawa ang ating loob sa paghingi mula sa Diyos, sa tulong na rin ng mga panalangin ng ating mahal na patrona, ang Ina ng mga Walang Mag-ampon! 


Para sa inyo po, Bishop Nolly, congratulations po at patuloy po namin kayong ipapanalangin. 


Sa wakas, inaanyayahan ko ang lahat na ipanalangin ang ating mahal na kura, si Bishop Nolly. Sa darating na ika-27 ng Nobyembre ay sasapit naman ang kanyang ika-60 taong kaarawan. Sabay-sabay nating ipanalangin ang ating mga obispo at pari sa Diyosesis ng Antipolo at sa buong mundo. 


PANALANGIN:


Panginoon, itinataas po namin ang aming pastol, ang aming mga obispo at mga tanang kaparian. Alam naming dahil malapit sila sa Iyo, huhubugin mo ang kanilang mga puso ayon sa Iyong kalooban. 


Nagsusumamo kami na pagkalooban mo kami ng biyaya ng paghihilom at pagpapanibago. Sa natatanging paraan, itinataas namin sa Iyo ang mga paring nagbinyag sa amin, nagpatawad sa aming mga kasalanan sa kumpisal, nakilakbay sa aming pamilya sa bawat yugto ng aming buhay, ang mga paring gumabay sa amin at nagpalakas ng aming kalooban at nagdulot sa amin ng Iyong Katawan at Dugo. Sila'y mga dakilang handog mo sa amin. Nagpapasalamat po kami dahil sa kanila. 


Hinihiling naming pagkalooban mo pa sila ng karagdagang tapang sa pakikiisa nila sa iyo sa pagpasan ng Krus. Huwag Mo silang pababayaan at panatilihin mo sila sa yakap ng Iyong mga bisig.


Mahal na Ina ng mga Walang Mag-ampon, ipanalangin mo kami, lalo na ang aming mga obispo at pari. Amen. +


Marga de Jesus | OLA Social Communications 


#OLAmarikina #BirhenNgMarikina


By KN Marcelo | OLA Social Communications February 5, 2025
Gaya ni San Blas, huwag nawa tayong mag-alinlangang ipagtanggol ang ating pananampalataya. Huwag tayong matakot sa pangungutya o pag-uusig.
By Marga de Jesus | OLA Social Communications February 5, 2025
Kapag binigay natin nang buo ang sarili at buhay sa Diyos upang ang plano Niya ang masunod, magkakaroon tayo ng kasiyahan, kapanatagan ng loob at kapayapaan na hindi natin matatagpuan makuha man natin ang lahat ng yaman sa mundo.
By Chris Alphonsus J. Terence | OLA Social Communications January 28, 2025
Makikita ang karunungan sa ating buhay kung ginagamit natin lahat ng ating kakayahan at kaalaman para sa papuri sa Panginoon at upang tulungan ang iba na mapalapit sa Kanya.
By Marga de Jesus | OLA Social Communications January 24, 2025
Si San Francisco ng Sales ay isang obispo at pantas ng Simbahan. Siya ay kilala bilang “the gentleman saint”.
By Chris Alphonsus J. Terence | OLA Social Communications January 20, 2025
Maaaring hindi natin nararanasan ang pagdurusa na naramdaman ng santo na ating ginugunita ngayon, ngunit tayo ba ay patuloy na naninindigan sa ating pananampalataya?
By Marga de Jesus | OLA Social Communications January 19, 2025
Malapit sa puso ng mga Pilipino ang debosyon sa Señor Sto. Niño. Sa wikang Ingles, ang ibig sabihin nito ay “Holy Child”. Ang “Holy Child” na ito ay walang iba kundi si Hesus.
By Chris Alphonsus J. Terence | OLA Social Communications January 17, 2025
Isa sa kanyang sikreto sa kabanalan ay ang pagdarasal sa Diyos sa maraming beses sa isang araw, lalo na oras ng temptasyon mula kay Satanas.
By KN Marcelo | OLA Social Communications January 15, 2025
Tuwing ika-15 ng Enero ay ginugunita ng Simbahan ang kabanalan ni San Arnold Jannsen. 
By Marga de Jesus | OLA Social Communications January 12, 2025
Ang pagbibinyag ni Juan Bautista kay Hesus ay hudyat ng simula ng pampublikong ministeryo ng ating Panginoon. Magsisimula na ang tatlong taon Niyang pamamalagi sa mundo upang magpagaling ng mga maysakit, magpalayas ng demonyo at mangaral ng Mabuting Balita.
By KN Marcelo | OLA Social Communications January 9, 2025
Nakikita ng mga tao ang kanilang paghihirap sa paghihirap ng Panginoon. Dahil sa Kanya, nararamdaman ng bawat deboto na mayroong Diyos na pwede nilang lapitan – Diyos na handang dumamay sa kanilang pinagdaraanan at nakaiintindi sa kanilang nararamdaman.
More Posts
Share by: