MABUTING BALITA
Marcos 10, 46-52
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, dumating si Hesus sa Jerico, kasama ang kanyang mga alagad at marami pang iba. Nang umaalis na sila roon, may naraanan silang isang bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. Siya’y si Bartimeo, anak ni Timeo. Nang marinig niyang naroon si Hesus na taga-Nazaret, sumigaw siya ng ganito: “Hesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” Pinagsabihan siya ng mga tao at pinatatahimik, ngunit lalo pa siyang nagsisigaw, “Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” Tumigil si Hesus at kanyang sinabi, “Tawagin ninyo siya.” At tinawag nga nila ang bulag. “Lakasan mo ang iyong loob,” sabi nila. “Tumindig ka. Ipinatatawag ka niya.” Iniwaksi niya ang kanyang balabal, paluksong tumayo at lumapit kay Hesus. “Ano ang ibig mong gawin ko sa iyo?” tanong sa kanya ni Hesus. Sumagot ang bulag, “Guro ibig ko po sanang makakita.” Sinabi ni Hesus, “Humayo ka; magaling ka na dahil sa iyong pananalig.” Noon di’y nakakita siya, at sumunod kay Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Sa Ebanghelyo sa araw na ito, sumigaw ang bulag upang siya’y mapagaling ni Hesus ngunit siya’y pinatahimik ng mga tao. Akala siguro ng mga alagad, ang pagsigaw na ito ay hindi tama para kay Hesus. Subalit, pinatawag pa Niya ang bulag ang tinanong, “Ano ang ibig mong gawin ko sa iyo?”. Maraming beses na marahil ay malakas din ang tawag natin sa Diyos sa mga yugto ng buhay na tila wala na tayong matatakbuhang iba kundi ang Diyos. Hindi Niya tayo pinipigilan sa tunay na bugso ng ating damdamin patungo sa Kanya dahil mahalaga ang bawat sigaw ng ating puso sa Diyos. Nais Niyang hilumin tayo hindi lamang sa pisikal na karamdaman kundi lalong lalo na sa sakit ng puso at kaluluwa – ang kasalanan. Ito ay isang uri ng pagkabulag na hindi pisikal kundi espirituwal – ang hindi na makita ang ating pagkakasala at pagkukulang sa Diyos. Kaya naman, mainam na humiling tayo sa Diyos ng awa at habag para makakita rin sa espirituwal na paraan. Hindi man lahat ay kailangan ng pisikal na pagpapagaling, ngunit lahat tayo ay kailangan ng espirituwal na paghilom dahil lahat tayo ay makasalanan. Ang pagdalo sa Banal na Misa at pagkukumpisal ang dalawang pinakamabisang paraan upang mapagaling tayo ng Diyos.
Hindi natin magagawa ito nang tayo lamang. Ang tunay na sigaw ng ating puso ang maglalapit sa atin sa Diyos at sa Kanyang kalooban na pinakamadirinig kapag tinatanggap natin Siya sa ating puso sa Banal na Komunyon. Doon nagiging kaisa natin ang Diyos na ating Tapaghilom.