Si Kardinal Karol Wojtyla ay kilala bilang San Juan Pablo II. Nahalal siya bilang ika-264 na Santo Papa ng Simbahang Katolika. Pinili niya ang pangalang Juan Pablo II bilang parangal sa naunang papa na si Juan Pablo I na nanungkulan lamang sa loob ng 33 araw. Sa edad na 58, si Papa Juan Pablo II ang pinakabatang papa sa loob ng mahigit isang siglo. Sa kanyang panunungkulan, binisita niya ang mahigit 129 na bansa. Namatay siya noong Abril 2, 2005 at naging beato noong Mayo 1, 2011. Itinanghal siya bilang santo noong Abril 27, 2014 ni Papa Francisco. Ginugunita ang kapistahan niya tuwing Oktubre 22.
Sa buhay ni San Juan Pablo, mayroong limang aral na maaari nating pagnilayan at isabuhay.
Tayo’y hindi kailanman iniwan ni Kristo sa ating mga pagdurusa.
Sinasabi sa atin ni San Juan Pablo II na walang problema na ating kinahaharap na hindi natin kasama si Hesus. Ang lahat ng krus na ating pinapasan ay pinapasan din Niya. Walang pagdurusa na hindi natin kayang lupigin dahil kasa-kasama natin siya. Dapat lamang tayong kumapit sa pananalangin at humingi ng tulong at lakas sa Kanya.
Mayroong halaga ang iyong buhay.
Sa tuwing naiisip natin na tayo ay susuko, tumawag tayo kay Hesus at tayo’y pakikinggan Niya. Ang ating pakikipagsapalaran dito sa mundo ang nagdadala sa atin sa personal na pagkakita kay Hesus. Hindi natatapos ang ating buhay sa mga problema. Mayroon tayong pag-asang mahahanap kay Kristo. Siya ang magbibigay ng tunay na kahulugan sa ating buhay.
Huwag kang matakot.
Sinasabi sa atin ng mundo na mamuhay ayon sa ating nais at magpakasaya lamang. Sa kabaligtaran, inaanyayahan tayo ni San Juan Pablo II na mamuhay para sa Diyos. Tayo’y tumugon sa kanyang tawag at gampanan ang ating misyon sa mundo. Ito ay magagawa natin sa lakas at tulong na ibibigay Niya.
Ang iyong buong potensyal ay mahahanap kay Hesus.
Kapag tayo’y nagtataka sa ating gampanin sa mundo, tumingin tayo kay Hesus. Kapag iniisip natin ang misteryo ng ating sarili, tumingin tayo kay Hesus. Siya lamang ang tunay na nakakikilala sa atin at sa mga bagay na magagawa natin. Siya ang kikilos sa atin na gawin ang mga pambihirang bagay. Kay Kristo lamang natin malalaman ang ating buong pagkatao at potensyal. Sa pamamagitan Niya, malaki ang ating magagampanan natin para sa misyon ng pagliligtas ng Diyos.
Huwag natin sayangin ang pagdurusa. Tayo’y magdusa kasama ni Kristo.
Minsan, ang mga bagay na nakapagpapasaya sa atin ang nagdudulot sa atin ng kapahamakan. Ang iilan ay kahit na nagdurusa na ay patuloy pa rin sa paggawa ng mali. Ang buhay ni San Juan Pablo II ay puno ng pagdurusa. Nagdusa siya alang-alang sa kabutihan at sa mga bagay na para sa Diyos. Ipinapakita sa atin ni San Juan Pablo II na mas mabuti pang tayo’y magdusa alang-alang sa kabutihan at sa mga bagay na nakapaglalapit sa atin kay Kristo. Huwag din nating sayangin ang ating pagdurusa at lumapit kay Hesus. Tawagin natin Siya dahil Siya ang tunay nating kailangan. Dapat ding taliwas sa mundo ang ating hangarin at dito tayo maaakay diretso sa kaharian ng Diyos.
San Juan Pablo II, ipanalangin mo kami!
Pinagmulan:
Ewtn. (2023, October 20). 5 Important Life Lessons from Pope Saint John Paul II to Help You Become a Saint. EWTN. https://ewtn.no/5-important-life-lessons-from-pope-saint-john-paul-ii-to-help-you-become-a-saint/