Si San Simon ay kilala bilang makabayan. Siya ay misyonero sa Ehipto at naging martir sa Persia. Siya ay patron ng mga mangangahoy. Si San Judas naman na kilala bilang Tadeo ay kapatid ni Santiago. Siya ay naging martir sa Armenia. Patron siya ng mga taong nawawalan na ng pag-asa. Silang dalawa ay kabilang sa labindalawang apostol ng Panginoong Hesus. Sila ay mga tinawag, pinili, at itinalaga ng Panginoon na maging katulong sa Kanyang misyon ng pagliligtas. Mga ordinaryong tao lamang sila ngunit inialay nila ang kanilang buong sarili sa paglilingkod sa Diyos. Ito ang dahilan kung bakit marami silang mga kamangha-mangha at dakilang bagay na nagawa.
Sa kanilang pag-aalay at dedikasyon, alam natin na tayo ay kabilang din sa tunay at nag-iisang Iglesya na pinagkatiwalaan ng Diyos. Dapat nating gawin ang ating misyon na ipalaganap ang Mabuting Balita sa ating sariling kakayanan at biyaya. Ipahayag natin ang ating pananampalataya sa lahat. Tayo’y magdasal at magkawanggawa. Tayo’y maging si Hesus sa lahat ng ating nakakasalamuha sa pamamagitan ng mabuting pakikitungo sa kanila. Pasanin natin ang ating krus sa araw-araw. Tayo ay maging tapat sa Diyos at italaga natin ng buo ang ating sarili sa paglilingkod. Gawin natin ang lahat para sa Kanyang ikaluluwalhati. Nawa’y tayong lahat ay patuloy na magpakita ng matibay na dedikasyon at pananampalataya sa Diyos tulad ng ipinakita nina San Simon at San Judas. Nawa’y pagpalain tayo ng Panginoon sa ating mga pagsisikap at tapat na gawain. Amen.
San Sinom at San Judas Tadeo, ipanalangin ninyo kami.