“Ang Banal na Eukaristiya na ipinagtanggol ng munting martir ay kasama sa kanyang pagkamatay. Naging laman ng kanyang laman, kasama ng kanyang katawan.”
Si San Tarcisio ay isang batang lalaki na naninirahan sa Roma. Siya ay naghahanda na mabinyagan sa pananampalatayang Kristiyano. Pinili siya upang dalhin ang Banal na Komunyon sa mga nakakulong na Kristiyano na hindi makadalo sa Misa. Habang dinadala ang Eukaristiya, nakasalubong niya ang isang grupo ng mga pagano na humiling na ibunyag sa kanila ang kanyang dinadala. Tumanggi si San Tarcisio at brutal siyang binugbog at pinatay.
Sinasabi na ang Banal na Eukaristiya ay hindi natagpuan kay San Tarcisio. Maging sa kanyang mga kamay o damit. Pinaniniwalaan na ang Banal na Eukaristiya na ipinagtanggol ng munting martir ay kasama sa kanyang pagkamatay. Naging laman ng kanyang laman, kasama ng kanyang katawan.
Handang ialay ni San Tarcisio ang kanyang buhay para sa Banal na Eukaristiya. Yakap-yakap niya ito sa kanyang bisig upang ibahagi sa iba. Itinuturo ni San Tarcisio sa atin na magkaroon tayo ng malalim na pagmamahal at pagsamba sa Banal na Eukaristiya. Kahit ang kanyang sariling buhay ay handang ialay. Tayo rin, pagsikapan nating dumalo sa misa sa araw ng Linggo. Tayo rin ay taimtim na manalangin at tumahimik sa Banal na Misa. Kapag ating tatanggapin ang Panginoon sa Banal na Eukaristiya, dapat tayong nasa estado ng grasya at nakapagkumpisal. Ang Banal na Eukaristiya ay isang pinakamahalagang bagay. Ito ang ating Panginoong Hesukristo na nakatago sa anyong tinapay. Dapat nating ibigay ang ating buong paggalang at pagsamba sa Kanya. Siya na nagbibigay ng lakas sa ating pang-araw-araw na paglalakbay.
San Tarcisio, ipanalangin mo kami, tulungan mong matularan namin ang iyong halimbawa.