Patron ng Barangay San Roque, Marikina City
Agosto 16
Si San Roque o “Tata Roque” ay patron ng mga maysakit, nagdurusa sa epidemya, manlalakbay at aso. Pinaniniwalaang ipinanganak noong 1295 sa isang mayamang pamilya, ang kanyang ama ang gobernador ng kanilang siyudad. Noong mamatay ang kanyang magulang, ipinamana sa kanya ang lahat ng yaman na iyon ngunit ipinamahagi niya ang lahat sa mga dukha. Namuhay siya bilang isang simpleng mamamayan. Naglakbay siya at naging mangangalaga ng mga naging biktima ng epidemya sa Italya.
Sa pagkakawanggaya niya ibinuhos ang kanyang buhay kaya namatay siya nang mahirap at walang inasahan kundi ang Diyos. Noong siya na lamang mag-isa dahil nahawa na siya sa kanyang mga inalagaan, nagkaroon ng bukal ng malinis na tubig upang kanyang inumin. Nagpadala rin ng aso ang Diyos para siya ay pakainin ng tinapay araw-araw at dilaan ang kanyang mga sugat. Isa itong patunay na kapag tayo ay naglingkod sa Diyos kahit pa iwanan ang lahat, ay bibigyan Niya tayo ng ating kakailanganin kahit na mukhang imposible sa tao.
Ngayong araw, alalahanin nawa natin ang lahat ng maysakit at ang lahat ng pumanaw dahil sa COVID-19, ang epidemyang ating nararanasan sa makabagong panahon. Tulad ni San Roque, nawa’y matuto tayong mahalin ang Diyos higit sa anumang yaman sa mundo nang sa gayon, tuluyan nating maipamahagi ang talento, oras at materyal na bagay na mayroon tayo para sa mas nangangailangan. Ang buhay na simple ang maghahatid sa atin sa Kaharian ng Diyos dahil nililinis nito ang ating puso mula sa sobra-sobrang pagmamahal sa mga bagay na lumilipas lamang. Ang puso natin ay nilikha upang mahalin ang Diyos na walang wakas tulad din ng ating mga kaluluwa.
San Roque, patron ng mga maysakit, ipanalangin mo kami at ihingi mo kami ng kagalingan mula sa Diyos na Makapangyarihan. Amen. +
Isang pagbati ng Maligayang Kapistahan sa buong Barangay San Roque ng Marikina!
Sanggunian:
San Roque Biography. (n.d.). https://friendsofsanroque1.tripod.com/id14.html