“Nawa’y makita natin ang pag-akyat ng Diyos kay Maria bilang ehemplo upang sikapin natin ang makapasok sa kaharian ng langit.”
Bilang tao, makakaranas tayo ng kamatayan at matapos nito ay mabubulok ang ating katawan. Ngunit, hindi ito ang naranasan ng lahat ng tao tulad ng ating Panginoong Hesus at ang ating Inang si Maria. Sa araw na ito, ipinagdiriwang natin ang dogmatikong doktrina ng Simbahang Katolika na hindi nabulok ang katawan ng Mahal na Birhen. Ito ay dulot ng pagiging banal at walang bahid ng kasalanan ni Maria. Sa halip, ang kanyang katawan at kaluluwa ay iniakyat ng Diyos sa kalangitan.
Bilang Katoliko, tayo ay obligado na maniwala sa paniniwalang ito sapagkat ito ay katotohanan na nagmula sa Diyos. Bukod pa rito, ninanais ng ating Panginoong Hesukristo na makilala natin si Maria bilang ating Ina na nasa langit at nagmamahal sa atin sa lahat ng pagkakataon. Ipinapakita sa atin ng Diyos na hanggang sa dulo ng buhay ng Mahal na Birheng Maria, ang kanyang ninanais ay makapasok sa kalangitan at makasama si Hesus sa buhay na walang hanggan. Tayo kaya, ano ang layunin natin sa ating buhay? Nawa’y makita natin ang pag-akyat ng Diyos kay Maria bilang ehemplo upang sikapin natin ang makapasok sa kaharian ng langit. Tandaan din natin na hindi natin kailangan umasa sa ating sariling lakas. Sa halip,
nariyan
ang ating Mapagmahal na Ina na laging nagdarasal para sa atin upang tulad niya, makasama natin si Hesus at makapiling Siya magpakailanman.
O Maria, aming Mahal na Ina, ipanalangin mo kami.