Si Santa Elena ang ina ni Constantino, ang unang emperador na nagpakilala bilang Kristiyano. Ang matinding pananampalataya ni Santa Elena ang nagtulak sa kanya sa matinding pangangalaga sa mga mahihirap. Si Santa Elena ang nakatagpo sa Banal na Krus nang siya ay magtungo sa Banal na Lupain. Ang kanyang kapistahan ay ipinagdiriwang tuwing ika-18 ng Agosto.
Sa buhay ni Santa Elena, mapagninilayan natin ang kamangha-manghang likha ng Diyos. Ang bawat isa ay binigyan Niya ng kaloob at misyon sa mundo. Mahirap man o madali, kapansin-pansin man o nakatago, ngunit ito’y isang bagay na tayo lamang ang makagagawa. Binigyan ng Diyos si Santa Elena ng isang gawain. Nagtungo siya sa Banal na Lupain upang alamin ang mahahalagang tagpo sa buhay ni Hesus. Doon ay natagpuan niya ang Banal na Krus.
Kung sumuko si Santa Elena, hindi niya kailanman matatagpuan ang Banal na Krus. Kailangan natin ang Diyos sa ating buhay upang magpatuloy. Hindi natin malalaman ang ating misyon kung tayo ay malayo sa Kanya. Natagpuan ni Santa Elena ang Banal na Krus dahil nalaman niya ang kanyang misyon at tanging siya lamang ang makagagawa nito. Ang bawat isa sa atin ay tinatawag maging banal. Mayroon tayong kakayahang baguhin ang mundo sa atin sariling paraan. Ang lahat sa atin ay may kanya-kanyang misyon, tanging tayo lamang ang makagagawa nito.
Santa Elena, ipanalangin mo kami!