Nobyembre 30 | Istorya at Pagninilay
“Masdan ang Kordero ng Diyos,” ito ang mga salitang nagpabago sa buhay ni San Andres. Si Juan, ang Tagapagbinyag, ang nagwika nito nang ituro niya kay San Andres at mga kasamahan nito si Kristo na ating Tagapagligtas. Mabilis na tumalima si San Andres sa ating Panginoong Hesukristo kahit pa bago pa lamang Siya sa kanyang paningin. Si San Andres ang kauna-unahang apostol na nakatagpo kay Hesus.
Maaalala na si San Andres din ang unang nagbalita sa kapatid niyang si Pedro sa pagparito ng Mesiyas. Nagpursigi siyang kumbinsihin na maniwala ito sa kanya. Sinubukan ni Andres na palakasin ang kalooban ni Pedro na nawawalan na ng pag-asa. Apat na raang taon na rin magmula nang may huling propeta na itinalaga ang Diyos para sa mga Hudyo. Kaya naman ganoon na lamang ang kagalakan ni Andres nang tawagin sila ni Hesus habang nasa dalampasigan. Mas napalalim nila ang pagkilala sa Anak ng Diyos. Magmula nito ay naging mga disipulo o taga-sunod ni Hesus ang magkapatid at iba pang mga kaibigan nila. Kinalauna’y sila ay naging mga apostol o isinugo ni Kristo.
Matapos ang pag-akyat ng ating Panginoong Hesukristo sa langit ay nagmisyon ang mga apostol. Naging pangunahing misyon ni San Andres ang mangaral sa magkakaibang bansa. Naglayag ito upang marating ang taong hindi pa nakikilala si Hesus. Ang kanyang mga pagsusumikap at sakripisyo ay nagbunga sa paglawig ng Katolisismo sa mga bansang kagaya ng Ukraine, Romania at Russia.
May pananabik ang Diyos na masaksihan ang katangian ni San Andres sa ating pagkatao.
Nais ng Panginoon na maging kaisa tayo sa misyon at paglilingkod. Ang ginagalawan nating mundo ay abala sa maraming bagay. Maraming bagong nauuso at naiimbento na madaling nakakaagaw ng ating atensiyon. Sa isang iglap lamang ay maaari tayong makalimot sa tunay na mahalaga. Tiyak na may natatagong alagad sa atin ang Diyos, isang alagad na mabilis tumugon, iyong tumatalima sa Diyos nang walang kapaitan, at sabik na ipalaganap ang kabutihan sa mundo. Ang mga salita ng Diyos ang tanging makapagdudulot ng kapayapaan sa ating mga puso at kaluluwa.
Marapat lang na ipinagdiwang natin ang pagkamartir ni San Andres. Ang kanyang mga huling sandali sa mundo ay buod ng katapatan niya sa ating Panginoong Hesukristo. Bago siya ipinako sa Krus na hugis ekis ay binitawan niya ang mga salitang, “Mabuting Krus, matagal nang ninanais, minahal kita at ninais na yakapin ka. Tanggapin mo ako at dalhin mo ako sa aking Panginoon.”
San Andres, patron ng mga mangingisda at manlalayag, ipanalangin mo kami. Amen. +
---------
Mga Sanggunian:
Acts of the Apostles | Summary & Facts. (2023, October 10). Encyclopedia Britannica. https://www.britannica.com/.../The-Acts-of-the-Apostles...
S., & S. (2023, July 19). St. Andrew the Apostle - Saint of the Day. Saint of the Day -. https://saintoftheday.com/st-andrew-the-apostle/... to legend%2C Andrew’s last,feast day is November 30.