Ngayon ang unang Biyernes para sa buwan ng Nobyembre at ang araw na ito ay minarkahan bilang espesyal na debosyon sa Kamahal-mahalang Puso ni Hesus mula noong siya'y namatay sa Krus. Siya ay namatay para sa ating kaligtasan sa araw ng Biyernes. Ayon sa itinakda sa Kodigo ng Batas Canon 1250, "Tuwing araw ng Biyernes buong taon, hindi lamang sa mga Biyernes ng Kuwaresma ay isang espesyal na araw bilang paggawa ng penitensya. (Batas Canon 1250).
Nagsimula ang debosyon sa Unang Biyernes nang si Santa Margarita Maria Alacoque noong ika-17 siglo ay nag-ulat ng mga pangitain tungkol sa Panginoong Hesukristo. Nag-utos ang Panginoon sa kanya na isulong ang debosyon sa Kamahal-mahalang Puso ni Hesus sa siyam na magkakasunod na Unang Biyernes bilang kabayaran sa mga sugat na natamo nito. Paraan din ito ng pagpapakita ng pagmamahal kay Hesus. Ang Panginoon ay gumawa ng labindalawang pangako sa sinumang magiging deboto ng Kanyang Kamahal-mahalang Puso:
" Sa labis na awa ng Aking Puso, ipinapangako ko sa iyo na ang Aking buong makapangyarihang pag-ibig ay ipagkakaloob Ko sa lahat ng sinumang tatanggap ng Komunyon sa Unang Biyernes sa loob ng siyam na magkakasunod na buwan. Ipagkakaloob Ko sa kanila ang biyaya ng huling pagsisisi: hindi sila mamamatay sa Aking hindi pagsang-ayon, o nang hindi makatanggap ng Sakramento, dahil ang Aking Banal na Puso ang kanilang tiyak na magiging kanlungan sa huling sandali ng kanilang buhay."
Ang partikular na layunin ng debosyon sa Unang Biyernes ay ang mag-alay ng kabayaran para sa mga hindi mabilang na pagkakasala na ginawa ng lahat sa Kamahal-mahalang Puso ni Hesus. Ang mga kinakailangang gawin bilang pagtupad o pakikibahagi sa debosyon ay ang pagdalo sa Banal na Misa, pagtanggap ng Banal na Komunyon bilang kabayaran sa mga pagkakasalang ginawa sa Kamahal-mahalang Puso ni Hesus, pangungumpisal, at pagbisita sa Banal na Sakramento sa hindi bababa na tatlumpung minuto.
Bilang paanyaya ay magkakaroon po tayo ng debosyon sa Banal na Sakramento o Holy Hour (Banal na Oras) sa ganap na ika-5 ng hapon at susundan po ito ng Banal na Misa sa ganap na ika-6 ng gabi. Ito po ay gawain ng Simbahan tuwing unang Biyernes ng bawat buwan. Ang lahat po ay inaanyayahang makiisa at makibahagi sa debosyong ito. Tayo nawang lahat ay magkaroon ng maalab na debosyon sa Kamahal-mahalang Puso ni Hesus.
Jasper Rome | OLA Social Communications
_________________
Mga Sanggunian:
A short history of the First Friday devotions. (2018, September 6). Priestly Fraternity of St. Peter. https://fssp.com/a-short-history-of-the-first-friday-devotions/
Code of Canon Law - Book IV - Function of the Church (Cann. 1244-1253). (n.d.).
https://www.vatican.va/archive/cod-iuris-canonici/eng/documents/cic_lib4-cann1244-1253_en.html