Ang dumanak na dugo ng mga martir para sa ating pananampalataya ay hindi nawalan ng halaga. Ito ay nagsilbing mga binhi ng ating Simbahan.
Ginugunita at ipinapanalangin tuwing “Red Wednesday” ang mga inuusig na Kristiyano sa buong mundo. Sa araw na ito, ang mga Katoliko ay karaniwang pinagsusuot ng kulay pula sa Misa. Matapos ang Banal na Misa, ang harap ng mga Simbahan ay pinapailawan din ng kulay pula. Nagkakaroon din ng pagsisindi ng kandila sa labas ng Simbahan at nagkakaroon ng pag-aalay ng espesyal na panalangin para sa mga martir. Tayo ay iniimbitahan na magsimba at makiisa sa gawaing ito ng Simbahan.
Bakit kulay pula? Ito ay simbolo ng dugo ng mga martir na dumanak para sa Simbahan alinsunod sa dugong inialay ni Kristo para sa kaligtasan nating lahat. Totoo at dapat paniwalaan ang sinabi ng ating Panginoong Hesukristo sa “Beatitudes” na kilala rin bilang “Ang Sermon sa Bundok”, “Pinagpala ang mga inuusig nang dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos, sapagkat kabilang sila sa kaharian ng langit (Mateo 5:10).
Ang dumanak na dugo ng mga martir para sa ating pananampalataya ay hindi nawalan ng halaga. Ito ay nagsilbing mga binhi ng ating Simbahan. Sila ang mga nanindigan na tunay ang ipinagtanggol nilang Diyos, at patuloy pa rin na ipinagtatanggol natin ngayon.
Iniligtas tayo ni Kristo sa kamatayan na dulot ng ating mga kasalanan. Kung kaya’t tumugon ang mga Kristiyanong martir sa kamatayan nang may katamisan. Ito rin ay upang bigyang diin ang pag-aalay ng ating Panginoong Hesukristo. Siya ang unang nagsakripisyo para sa atin at sumunod naman ang mga martir.
Hindi sila nagimbal sa pagpapahirap sa kanilang katawan. Hindi nila isinuko ang pananampalataya sa kabila ng pananakot sa kanila. Niyakap nila ang katamisan ng kamatayan. Alam nila na hindi mawawalan ng halaga ang kanilang buhay sapagkat ito’y inialay sa ating Diyos.
Sa kasalukuyan, marami pa rin ang pumapatay o nagpapahirap sa mga inosenteng mananampalataya sa bawat sulok ng mundo. Ang katotohanang ito ay hindi isang pananakot. Bagkus, ito ay isang inspirasyon para humingi sa Diyos ng lakas ng loob na ipagtanggol ang ating pananampalataya. Lalong dapat na ipagdasal ang kapwa nating mga Kristiyano na inuusig dahil kanilang ipinapahayag na ang Diyos ay ang ating Panginoong Hesukristo.
Ang “Red Wednesday” ay pagpapakita natin na hindi nawalan ng halaga ang dumanak na dugo ng mga Kristiyanong martir. Makisangkot tayo sa paggunita sa kanilang mga sakripisyo.
Nawa'y sa pamamagitan ng pagdalo sa “Red Wednesday” ay mas tumibay ang ating pananampalataya bilang isang Katoliko. Sa Ngalan ni Hesukristo na ipinako sa Krus, Diyos magpasawalang hanggan. Amen. +
Therese Karla Labor | OLA Social Communications
______________
Sanggunian:
LaBanca, N. (2018, September 17). Blood of the Martyrs Is Still Seed for the Church. Ascension Press Media. https://media.ascensionpress.com/.../blood-of-the.../