SANTA VERONICA
Hulyo 12
Si Santa Veronica ay kilala bilang ang babae na nag-alay ng birang o telang takip sa ulo kay Hesus upang punasan ang Kanyang mukha habang pasan ang Krus. Nagkaroon ng himala at ang mukha ni Hesus ay nakita sa birang. Ito ay naging isa nang natatanging relikya na hanggang ngayon ay nasa Vatican. Isa itong paalala sa ating maging handa nawa tayong ialay ang sarili at anumang kaya natin kaisa ng paghihirap ni Hesus sa Krus.
Santa Veronica, ipanalangin mo kami. Amen. +
SANTA MARIA MAGDALENA | Kapistahan
Hulyo 22
Si Santa Maria Magdalena ay isa sa mga babaeng disipulo ni Hesus na kalaunan ay tinaguriang ang “Apostol ng mga apostol”. Siya ang naatasang magpahayag sa mga alagad na si Hesus ay muling nabuhay ngunit hindi siya agad na pinaniwalaan. Sa kabila nito, nanatili pa rin siyang totoo sa kanyang nakita at sa kanyang misyon mula kay Hesus.
Bawat isa sa atin ay inatasan ding magpahayag ng ebanghelyo sa iba sa salita man o sa mabubuting gawa sa kapwa. Wala itong pinipiling edad o kasarian. Kailangan lamang ng lakas ng loob at pusong matibay ang pananalig at paninindigan sa Diyos.
Santa Maria Magdalena, ipanalangin mo kami.
New Paragraph
KAPISTAHAN NI APOSTOL SANTIAGO
Hulyo 25
Si Apostol Santiago ay isa sa labindalawang alagad ni Hesus. Siya rin ay ang nakatatandang kapatid ni San Juan Ebanghelista. Sa ating ebanghelyo ngayon, pinagninilayan natin na minsang ninais nilang magkapatid na maging pinakadakila sa lahat. Sinabi naman ni Hesus, "Sa halip, ang sinuman sa inyo na ibig maging dakila ay dapat maging lingkod."
Nakita ito sa buhay ni Apostol Santiago dahil sa pagpapahayag niya ng Mabuting Balita hanggang kamatayan. Sa lahat ng mga apostol, siya ang unang naging martir. Nawa'y sa pamamagitan ng kanyang buhay at halimbawa, magampanan din natin ang ating natatanging tungkulin at misyon sa Diyos. Tulad niya, matuto nawa tayong hindi tingnan kung anong makukuha natin kapalit ng ating paglilingkod, liban sa buhay na walang hanggan.
Apostol Santiago, ipanalangin mo kami. Amen. +
SAN JOAQUIN AT SANTA ANA, MODELO NG MGA MAGULANG
Hulyo 26
Ngayong araw ay ating ginugunita sina San Joaquin at Santa Ana, mga magulang ng Mahal na Birheng Maria. Nakilala natin sila sa pamamagitan ng tradisyon ng Simbahan. Nararapat na magpasalamat tayo sa kanila, hindi lamang sa kanilang mga panalangin sa langit para sa atin, kundi pati na rin dahil sa pag-aalaga sa kanilang anak, ang ating Mahal na Inang Maria. Bilang mga magulang, pinakilala nila ang Diyos sa kanya at tinuruan siya patungkol sa pananampalataya.
Sila ang ginamit na instrumento ng ating Panginoon upang mag-alab ang debosyon ni Maria. Gayundin, lahat tayo ay nakatanggap ng grasya mula sa Diyos upang makilala natin Siya at makasama Siya sa langit. Ngayong araw ay ipanalangin nawa natin ang lahat ng mga magulang na may responsibilidad na tulungan ang kanilang mga anak sa tamang daan patungo kay Hesus.
San Joaquin at Santa Ana, ipanalangin mo kami. Amen. +
Chris Alphonsus J. Terence | OLA Social Communications
MGA BUHAY NA PATOTOO: Santa Marta, Santa Maria, San Lazaro
Hulyo 29
Maliwanag na sina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro ay mga matalik na kaibigan ng Panginoon. Sa Ebanghelyo ni San Lucas, mababasa nating malugod nilang tinatanggap si Hesus sa kanilang tahanan. Isinalaysay sa Ebanghelyong ito ang kuwento ng dalawang magkapatid. Si Maria ay nakaupo sa paanan ng Panginoon, samantalang si Marta naman ay abala. Sinabi ni Marta: “Panginoon, sabihin Niyo nga po sa aking kapatid na tulungan ako“. Sumagot ang Panginoon sa kanya at sinabi: “Mas mabuti ang pinili ni Maria at hindi ito aalisin sa kanya.”
Madalas, nakikita natin ang ating sarili na abala sa maraming bagay. Pinupuno natin ang ating oras sa trabaho, paglilingkod at marami pang iba. Minsan, nakalilimutan nating maglaan ng kahit isang oras upang umupo sa paanan ng Panginoon. Nakalilimutan nating kausapin Siya, magpahinga at magmunu-muni. Bagama’t may tiyak na oras upang tayo ay magtrabaho at maglingkod. Ang pagbuo ng isang mas malalim na relasyon at pagkakilala sa Kanya ang mas mahalaga. Pagsikapan nating tularan si Maria at mas piliin ang pag-aalay ng isang bahagi o oras ng ating bawat araw sa Panginoon.
Matatagpuan naman sa Ebanghelyo ni San Juan ang isa pang kuwento ng magkakapatid sa pagkamatay ni San Lazaro. Nang magkasakit si Lazaro, humingi sila ng tulong kay Hesus. “Panginoon, ang iyong minamahal ay may sakit”. Tinanggap ni Hesus ang mensahe. Taglay ni Hesus ang buong kaalaman na nangyari ito at ito ay para sa ikaluluwalhati ng Diyos. Si Hesus ay gumugol pa ng ilang araw bago siya bumalik sa Betania upang makasama sila.
Pagdating ni Hesus, nakita Niyang apat na araw nang nasa libingan si Lazaro. Nang malaman ito ni Marta, sinalubong niya si Hesus at sinabi: “Panginoon, kung narito ka, hindi sana namatay ang aking kapatid.” Sumagot si Hesus: Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay; ang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay, ay mabubuhay.”
Magandang pagnilayan din natin ang mga pagkakataon kung paano tayo tumugon sa Panginoon sa ating mga pagkaligalig at kalungkutan. Tumutugon ba tayo tulad ni Marta? Tayo ba ay nakatutok sa ating mga problema kaysa sa Kanya? Anuman ang ating mga pinagdadaanan, ang paglapit kay Hesus at pag-upo sa Kanyang paanan ang dapat nating gawin. Alam natin na ang pagkamatay ni Lazaro ay para sa ikaluluwalhati ng Diyos. Hinintay lamang ni Hesus upang marami ang makakita ng patotoong ito. Tulad natin, naghihintay lamang ang Panginoon ng tamang panahon upang tupdin ang ating mga dalangin at dasal. Huwag nating ibaling ang ating isip sa mga ilang bagay at problema. Hayaan natin ang Diyos na gumalaw at bumaling kay Hesus. Gawing halimbawa natin si Maria na mas pinili pa ring lumapit at manalangin kay Hesus upang kumapit, magpahinga, at makinig.
Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro, ipanalangin niyo kami!
Jasper Rome | OLA Social Communications