Hunyo 7, 2024.
Ipinagdiriwang natin ngayon ang Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus. Nagsimula ang debosyong ito nang magpakita si Hesus sa isang madre mula sa Pransiya na si Santa Margarita Maria Alacoque noong 1673. Sa aparisyong ito ay ipinakita ni Hesus ang Kanyang puso na may tinik, sugatan, at nagdurugo dahil sa pagkakasala ng sangkatauhan. Ngunit ito ay nag-aalab tanda ng wagas at ‘di nagmamaliw na pag-ibig ni Hesus para sa lahat ng tao.
Pag-ibig ang tema ng ating selebrasyon at mga pagbasa sa araw na ito.
Kapag pinag-uusapan ang pag-ibig, ang simbolo na unang pumapasok sa ating isip ay puso. Kaya nga tuwing ika-14 ng Pebrero, o Valentine’s Day, hitik na hitik sa mga pulang puso ang paligid. Sa mga kainan, mall, o mga lugar-pasyalan, imposibleng hindi ka makakita ng mga palamuting gaya nito.
Ngunit ang ebanghelyo ay nagbibigay ng bagong simbolo para sa pag-ibig. Ito ay ang Krus. Binabalikan natin ang sa ebanghelyo ngayon ang unang Biyernes Santo – ang paghihirap at kamatayan ni Hesus sa Krus. Bagaman para sa iba, ang krus ay simbolo ng kahihiyan at pagkatalo, ito naman ay simbolo ng kagalakan at tagumpay para sa ating mga mga Katoliko. Inialay ni Hesus ang Kanyang buhay sa Krus tanda ng Kanyang wagas na pag-ibig. Nang Siya ay namatay, ang Kanyang tagiliran ay inulos ng sibat ng isang sundalo at mula rito ay umagos ang dugo at tubig. Ang Kanyang sugatang puso ang bukal ng awa at pag-ibig ng Diyos. Ibinuhos ni Hesus ang lahat lahat sa Kanya upang ipakita kung gaano Niya tayo minamahal kahit na tayo ay nagkasala.
Sa pagdiriwang natin ng Dakilang Kapistahan na ito, inaanyayahan tayong lumapit sa puso ni Hesus at gayahin Siya. Ang pag-ibig Niya ay lalong lumalalim kung saan may paghihirap ang minamahal. Sana ganoon din tayo sa ating kapwa. Ang Diyos ay puno ng pag-ibig para sa atin sa anumang sitwasyon o nagawa natin sa buhay. Huwag tayong matakot lumapit sapagkat Siya rin ay puspos ng habag at awa para sa ating makasalanan. Papawiin ni Hesus ang ating mga takot, sakit, at suliranin kung ipagkakatiwala natin ang ating puso sa Kanyang Kamahal-mahalang Puso. Mabigatan o masugatan man tayo sa pagpasan ng ating mga pansariling krus, makakaasa tayo na may Diyos na palaging nariyan para sa atin. Kailanman ay hindi Niya tayo iiwan o pababayaan sapagkat mahal na mahal Niya tayo.
Maligayang dakilang kapistahan po sa ating lahat!
Kamahal-mahalang Puso ni Hesus, kaawaan Mo kami!