Hunyo 08, 2024
Maligayang Paggunita sa Kalinis-linisang Puso ng Birheng Maria! Ito ay unang ipinagdiwang noong 1648 ni San Juan Eudes at itinatag ito ng Kagalang-galang na Papa Pio XII sa buong Simbahan noong 1945. Ginugunita natin ngayon ang Kalinis-linisang Puso ni Maria isang araw matapos ang Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus. Ito ay dahil sa koneksyon sa puso ng ating Panginoong Hesus at Inang si Maria kung saan ang Birheng Maria ang instrumento para matanggap natin ang pag-ibig ng Diyos.
Ngayon ay inaalala natin ang pag-ibig na nagmumula sa Kalinis-linisang Puso ng ating Inang Maria. Ito ay ang puso na sumusunod sa Diyos sa kanyang buong buhay. Ito ay ang puso na pinagninilayan ang lahat ng kaganapan sa kanyang buhay ng naaayon sa kalooban ng ating Panginoon. Sa kabila ng mga misteryo na maaaring hindi naunawaan ng ating Ina, hindi nagbago ang kanyang pananampalataya sa Diyos.
Ang kanyang puso ay simbolismo ng perpekto at purong pag-ibig sa Diyos. Ang perpektong pag-ibig ay walang takot. Walang takot din tayong dapat na sumunod sa Diyos. Ito ay ang modelo natin kung paano natin mamahalin ang Panginoon sa ating buong buhay. Ngunit, kung ikukumpara natin ang ating puso sa puso ng ating Inang Maria, makikita natin na malaki ang pagkakaiba nito. Madali sa atin ang magkasala at unahin ang sarili kaysa ang pagsunod sa Diyos. Imposible para sa atin ang gawin ang tama at kalugod-lugod sa Kanya kung aasa tayo sa sarili nating lakas. Sa halip na pagnilayan ang misteryo ng ating pananampalataya at kung ano ang plano ng Diyos sa ating buhay, ang ating puso ay maaring mas madalas na napupuno ng mga makamundong bagay at pangarap. Dahil dito, kailangan natin ng tulong at panalangin ng Mahal na Ina upang maging tulad ng kanya ang ating pusong makasalanan.
Sa kabila nito, huwag tayo mawalan ng pag-asa. Ito ay dahil mayroon tayong Ina sa langit na nagmamahal sa atin at nagnanais na mapalapit tayo sa kanyang Anak. Ang pag-ibig sa puso ni Maria ay higit pa sa pag-ibig ng lahat ng ina na nabuhay sa kasaysayan. Ang kailangan lamang nating gawin ay magkaroon ng debosyon sa Birheng Maria at sa kanyang puso. Dasalin natin ang pagtatalaga sa Kalinis-linisang Puso ni Maria at isabuhay natin ang pag-aalay ng ating buhay sa kanya. Maging masigasig tayo sa ating debosyon sa kanya lalo na sa pamamagitan ng pagdarasal ng rosaryo. Higit sa lahat, tayo ay humingi ng tulong sa kanya sa lahat ng pagsubok at tukso upang tulad niya, maibigay natin ang ating "Oo" sa kalooban ng Diyos. Nawa'y bigyan tayo ng Diyos ng puso tulad sa Kalinis-linisang Puso ni Maria!
Mga Sanggunian:
St. John Eudes: EWTN. EWTN Global Catholic Television Network. (n.d.). https://www.ewtn.com/catholicism/saints/john-eudes-636
Devotion to the hearts of jesus and mary its origin and history: EWTN. EWTN Global Catholic Television Network. (n.d.-a). https://www.ewtn.com/catholicism/library/devotion-to-the-hearts-of-jesus-and-mary-its-origin-and-history-13690