Naririto Siya sa anyo ng puting ostiya. Naririto ang Kanyang Kabanal-banalang Dugo at Katawan na ating tinatanggap sa Banal na Misa.
Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon
Mabuting Balita at Pagninilay
MABUTING BALITA
Marcos 14, 12-16. 22-26
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Lebadura, araw ng pagpatay ng kordero para sa Paskuwa. Tinanong si Hesus ng kanyang mga alagad, “Saan po ninyo ibig na ipaghanda namin kayo ng Hapunang Pampaskuwa?” Inutusan niya ang dalawa sa kanyang mga alagad, “Pumunta kayo sa bayan. May masasalubong kayong isang lalaki na may dalang isang bangang tubig. Sundan ninyo siya sa bahay na kanyang papasukan at sabihin ninyo sa may-ari, ‘Ipinatatanong po ng Guro kung saang silid siya maaaring kumain ng Hapunang Pampaskuwa, kasalo ng kanyang mga alagad.’ At ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na mayroon nang kagamitan. Doon kayo maghanda para sa atin.” Nagtungo sa bayan ang mga alagad at natagpuan nga nila roon ang lahat, gaya ng sinabi niya sa kanila.
At inihanda nila ang Hapunang Pampaskuwa.
Samantalang sila’y kumakain, dumampot ng tinapay si Hesus, at matapos magpasalamat sa Diyos ay kanyang pinaghati-hati at ibinigay sa mga alagad. “Kunin ninyo; ito ang aking katawan,” wika niya. Hinawakan niya ang kalis, at matapos magpasalamat ay ibinigay sa kanila; at uminom silang lahat. Sinabi niya, “Ito ang aking dugo ng tipan, ang dugong mabubuhos dahil sa marami. Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako iinom ng alak na mula sa ubas hanggang sa araw na inumin ko ang bagong alak sa kaharian ng Diyos.” Umawit sila ng isang imno, at pagkatapos nagtungo sa Bundok ng mga Olibo.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Ang kalimitang tawag po sa Linggo na ito ay “Corpus Christi”. Ang ibig sabihin ng Corpus ay “katawan” at ang “Christi” naman ay tumutukoy kay Hesus. Napakahalagang ipagdiwang ito ng Simbahan sapagkat ang mundo ngayon na puno ng kaguluhan. Kailangang kailangan ng tao ng Diyos. Sa gitna ng mga samu’t saring problema, may iisang kailangang maalala – na kasama natin si Hesus hanggang ngayon sa Banal na Eukaristiya. Ang Kanyang presensiya ay hindi lamang espirituwal. Naririto Siya sa anyo ng puting ostiya. Naririto ang Kanyang Kabanal-banalang Dugo at Katawan na ating tinatanggap sa Banal na Misa.
Dahil dito, sa gitna ng kaguluhan ng paligid at ating isipan, dapat nating alalahaning mayroon pa rin tayong matatakbuhan. Isang kayamanan na higit pa sa kahit anong matatagpuan sa mundo ang maniwalang ang Diyos ay matatagpuan sa bawat Simbahang Katolika. Doon, Siya’y buhay na buhay na naghihintay sa atin. Isang bukal ng konsolasyon na maisip na si Hesus mismo ay matatanggap natin sa Banal na Komunyon hindi lang tuwing Linggo kundi araw-araw nating gustuhin kung kailangan natin Siya at ng lakas upang harapin ang kahit ano sa buhay.
Minsan, hindi na kailangan ng mahabang paliwanag pa. Ang mga bagay na naririyan sa ating pang araw-araw na buhay ang pinakamadaling malimutan ang halaga. Ngunit sa lahat ng iyon, huwag naman sana si Hesus. Walang sinuman sa mundo ang makapapantay sa pag-ibig sa atin ng Diyos na binigay ang buong sarili Niya sa atin bilang alay. Tayo kaya, mahal ba natin Siya higit sa ating buhay? Sana “oo” ang sagot at kung hindi, hilingin nating maging “oo” ang ating sagot. Itong buong pag-ibig lamang na ito na may pagbibigay ng sarili ang daan natin tungong Langit.