“MAKITULOY KAY HESUS” | Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon
Marga de Jesus | OLA Social Communications

Hindi lang ipinanganak si Hesus higit dalawang libong taon na ang nakararaan, Siya rin ay nabubuhay magpasahanggang ngayon sa ating mga Tabernakulo sa altar.

Enero 14, 2023


MABUTING BALITA

Juan 1, 35-42

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan


Noong panahong iyon, nakatayo si Juan at ang dalawa sa kanyang mga alagad. Nakita niya si Hesus na nagdaraan, at kanyang sinabi, “Ito ang Kordero ng Diyos!” Narinig ng dalawang alagad ang sinabi niya, at sumunod sila kay Hesus. Lumingon si Hesus at nang makitang sumusunod sila ay kanyang tinanong, “Ano ang hinahanap ninyo?” Sumagot sila, “Saan po kayo nakatira, Rabi?” Ang kahulugan ng salitang ito’y Guro. “Halikayo at tingnan ninyo,” ani Hesus. Sumama sila at nakita nila ang kanyang tinitirhan; at tumuloy sila roon nang araw na yaon. Noo’y mag-iikaapat na ng hapon.


Ang isa sa dalawang nakarinig kay Juan at sumunod kay Hesus ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro. Una niyang hinanap ang kapatid niyang ito, at kanyang sinabi sa kanya, “Natagpuan namin ang Mesiyas!” Ang kahulugan ng salitang ito’y Kristo. At siya’y isinama ni Andres kay Hesus. Tiningnan ni Hesus si Simon at sinabi sa kanya, “Ikaw si Simon na anak ni Juan. Ang ipangangalan ko sa iyo’y Cefas.” Ang katumbas ng ngalang ito’y Pedro.


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


Pagninilay:


“Halikayo at tingnan ninyo,” ito ang paanyaya ni Hesus hindi lamang sa Kanyang mga alagad ngunit sa ating lahat. Kailangan nating magtungo kung nasaan si Hesus upang makilala natin Siya. Saan nga ba natin Siya makikita? Tapos na ang panahon ng Kapaskuhan at mga kasiyahan. Tapos na ang kabi-kabilang mga handaan at bigayan ng regalo, alam pa ba natin kung saan matatagpuan si Hesus? Baka nasanay na tayong makita Siya at madama tuwing panahon lamang ng saya ngunit ang totoo’y Siya ay kapiling natin araw-araw.


Hindi lang Siya ipinanganak higit dalawang libong taon na ang nakararaan, Siya rin ay nabubuhay magpasahanggang ngayon sa ating mga Tabernakulo sa altar. Bumaba si Hesus dito sa lupa at Siya’y umakyat nang matapos ang Kanyang misyon subalit ang Kanyang tunay na presensiya ay nananatili – dugo at katawan. Ito rin ang parehong Banal na Katawan at Dugo sa anyo ng puting ostiya na ating tinatanggap sa Eukaristiya.


Kung gusto nating magtungo kung nasaan ang Panginoon, makilala Siya at matuto mula sa Kanya, tayo ay magtungo roon at manalangin nang taimtim. Ang panalanging mula sa puso ay masusukat sa katahimikan at sa lalim ng ating binabahagi sa Kanya tungkol sa ating buhay. Ituring natin ang Panginoon bilang ating pinakamatalik na kaibigan sa walang hanggan na maaring sabihan ng mga saloobing Siya lamang ang tanging makakaintindi at makagagawa ng paraan. Bukod dito, matatagpuan din natin si Hesus sa pagninilay sa Kanyang Salita. Ang pagtanggap ng mga Banal na Sakramento at pagninilay sa Salita ng Diyos ay pakikisama at pakikilakbay sa Kanya.


Simula noong unang unang Pasko, hindi na natin maaring sabihing tayo’y mga ulila at iniwan. Simula noon at hanggang ngayon, tayo’y namumuhay na kasama ng Diyos at patuloy pa ring inaanyayahang makituloy sa Kanya, sa Kanyang puso hanggang ngayon sa pamamagitan ng pananalangin. Doon magmumula ang ating pang-unawa sa kung ano ang tunay na misyon sa buhay na magagawa rin natin sa gabay at grasya ng Diyos.


#OLAmarikina #BirhenNgMarikina


By KN Marcelo | OLA Social Communications February 5, 2025
Gaya ni San Blas, huwag nawa tayong mag-alinlangang ipagtanggol ang ating pananampalataya. Huwag tayong matakot sa pangungutya o pag-uusig.
By Marga de Jesus | OLA Social Communications February 5, 2025
Kapag binigay natin nang buo ang sarili at buhay sa Diyos upang ang plano Niya ang masunod, magkakaroon tayo ng kasiyahan, kapanatagan ng loob at kapayapaan na hindi natin matatagpuan makuha man natin ang lahat ng yaman sa mundo.
By Chris Alphonsus J. Terence | OLA Social Communications January 28, 2025
Makikita ang karunungan sa ating buhay kung ginagamit natin lahat ng ating kakayahan at kaalaman para sa papuri sa Panginoon at upang tulungan ang iba na mapalapit sa Kanya.
By Marga de Jesus | OLA Social Communications January 24, 2025
Si San Francisco ng Sales ay isang obispo at pantas ng Simbahan. Siya ay kilala bilang “the gentleman saint”.
By Chris Alphonsus J. Terence | OLA Social Communications January 20, 2025
Maaaring hindi natin nararanasan ang pagdurusa na naramdaman ng santo na ating ginugunita ngayon, ngunit tayo ba ay patuloy na naninindigan sa ating pananampalataya?
By Marga de Jesus | OLA Social Communications January 19, 2025
Malapit sa puso ng mga Pilipino ang debosyon sa Señor Sto. Niño. Sa wikang Ingles, ang ibig sabihin nito ay “Holy Child”. Ang “Holy Child” na ito ay walang iba kundi si Hesus.
By Chris Alphonsus J. Terence | OLA Social Communications January 17, 2025
Isa sa kanyang sikreto sa kabanalan ay ang pagdarasal sa Diyos sa maraming beses sa isang araw, lalo na oras ng temptasyon mula kay Satanas.
By KN Marcelo | OLA Social Communications January 15, 2025
Tuwing ika-15 ng Enero ay ginugunita ng Simbahan ang kabanalan ni San Arnold Jannsen. 
By Marga de Jesus | OLA Social Communications January 12, 2025
Ang pagbibinyag ni Juan Bautista kay Hesus ay hudyat ng simula ng pampublikong ministeryo ng ating Panginoon. Magsisimula na ang tatlong taon Niyang pamamalagi sa mundo upang magpagaling ng mga maysakit, magpalayas ng demonyo at mangaral ng Mabuting Balita.
By KN Marcelo | OLA Social Communications January 9, 2025
Nakikita ng mga tao ang kanilang paghihirap sa paghihirap ng Panginoon. Dahil sa Kanya, nararamdaman ng bawat deboto na mayroong Diyos na pwede nilang lapitan – Diyos na handang dumamay sa kanilang pinagdaraanan at nakaiintindi sa kanilang nararamdaman.
More Posts
Share by: