Marso 19, 2024
Ipinagdiriwang ang Dakilang Kapistahan ni San Jose bilang Kabiyak ng Puso ng Mahal na Birhen tuwing Marso 19. Siya ang patron ng Simbahan, mga ama, manggagawa, at karpintero. Siya rin ay pinagdarasalan para sa isang banal at mabuting kamatayan.
Ang buhay ni San Jose ay tulad ng isang ordinaryong manggagawa. Siya ay banal dahil sa kakayahan niyang makinig at sumunod sa Diyos. Ang mga ebanghelyo ay hindi nagtala ng anumang salita ni San Jose, ngunit ang kanyang katahimikan ang naging daan upang makilala natin siya. Siya ay isang matuwid, dalisay, mapagpakumbaba, tahimik at isang mabuting asawa. Siya ang tagapagtanggol at tagapag-alaga sa ating Tagapagligtas at Mahal na Birhen. Bukod kay Maria, siya ang isa sa mga unang naniwala na ang Diyos ay nagkatawang-Tao na at ang magiging ngalan Niya ay Hesus.
Para kay San Jose, pinakamahalaga ang pagsunod sa kalooban ng Diyos. Hindi kinuwestiyon ni San Jose kung ano ang sinabi sa kanya ng Diyos. Isinagawa niya ang mga pahiwatig sa kanya nang walang pag-aalinlangan. Agad niyang ginagawa ang gawain sa paraang nais ng Diyos.
Nang tiniyak ng anghel na ang Mesiyas ang dinadala ni Maria, ito'y itinuring niyang kanya. Tuluyang niyang pinakasalan si Maria gaya ng utos sa kanya at tumayong ama ni Hesus. Nang matanggap ni San Jose ang babala ng anghel, hindi siya nag-aksaya ng panahon. Agad siyang bumangon at dinala ang Banal na Pamilya sa Ehipto. Ito ay upang takasan ang nakamamatay na galit ni Herodes. Matapos ang pagkamatay ni Herodes, muling inutusan ng anghel si San Jose. Sinabi ng anghel na oras na upang bumalik sa Israel. Nais sana ni San Jose na bumalik sa Betlehem sa Judea, ngunit mas pinili niyang pumunta sa Nasaret. Binalaan siya ng anghel na ang anak ni Herodes ang namumuno sa Judea bilang kahalili niya. Anuman ang sabihin ng Diyos kay San Jose, agad siyang bumabangon at sumusunod. Ginagawa niya ang lahat nang may pagtitiwala at walang pag-aalinlangan. Tayo kaya ay makakasunod gaya ni San Jose? Isa itong pagsunod nang tahimik at walang pagrereklamo. Basta’t sigurado siyang ito ang kalooban ng Diyos, ito’y kanyang gagawin.
Naranasan ni San Jose ang paghihirap na naranasan din ng lahat, ngunit naging huwaran siya. Si San Jose ay isang taong nagtataglay ng lubos na pagtitiwala sa Diyos. Ang Diyos ang laging higit at una sa kanyang buhay. Sa madaling salita, si San Jose ay isang taong matuwid at namumukod-tangi ang kanyang birtud. Siya ay nagsisilbing halimbawa sa lahat lalo na sa mga ama at asawang tila nawawala at naliligaw ng landas sa panahon ngayon. Pumunta tayo sa kanya kung paanong dumepende sina Hesus at Maria sa kanya para sa kanilang pangangailangan dito sa lupa. Dadalhin tayo ni San Jose sa mas malalim na relasyon at pagkilala sa Diyos Ama natin sa Langit sa pamamagitan ni Hesus.
Si San Jose ay ama ng pagkilos. Para sa kanya, tungkulin niya ang pagsunod sa kalooban ng Diyos sa araw-araw. Ganoon din ang ituturo niya sa atin. Pinangingilin niya ang “Sabbath” at siya'y pumupunta sa templo para sa Paskuwa. Ugaliin nating magsimba tuwing Linggo dahil ito’y ating obligasyon bilang Katoliko. Matapat niyang minamahal at pinoprotektahan ang Batang Hesus at ang Birheng Maria. Ginawa niya ang mga ordinaryong bagay sa araw-araw nang may pagmamahal.
Sa ating pagsunod sa halimbawa ni San Jose, tayo ay makakatagpo ng kapayapaan. Tayo rin sana ay maging tapat sa Diyos na gawin ang mga ordinaryong bagay. Ang maliliit na bagay na nais ng Diyos na gawin natin ay ating tupdin nang may pagmamahal. Mula ngayo, alalahanin nating hingian ng panalangin si San Jose na walang palyang dadalahin ang ating kahilingan sa kanyang inalagaang Anak, ang Anak ng Diyos at Panginoon nating si Hesus.