Pagninilay:
Isang linggo na lamang at tayo’y papasok na sa mga Mahal na Araw. Dahil dito, ipinahihiwatig na ni Hesus ang Kanyang nalalapit na kamatayan sa ating ebanghelyo ngayong Linggo.
Alam natin na ang kamatayang ito ay hindi para sa nakasasama ngunit para sa kaligtasan ng mundo. Sa gayunding paraan, dahil sa pagkamatay ni Hesus sa Krus at sa Kanyang Muling Pagkabuhay, ang lahat ng paghihirap natin ay maaring maging banal. Gaano man ito kasaklap, maari itong may kahinatnang mabuti kung iaalay natin ang lahat sa Diyos. Madalas kaysa hindi, kapag may pagsubok tayong kinakaharap ay mas madaling masadlak sa labis na pag-aalala kaysa sa pagtitiwala. Natural sa ating mga tao na ayaw magdusa. Mas madali para sa taong piliin ang masasaya, ang nakakatuwa o nakakatawa. Mas gusto natin iyon subalit hindi iyon ang laging makabubuti sa atin.
Si Hesus na mismo ang nagsabi, “Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako naparito — upang danasin ang kahirapang ito.” Naparito ang Panginoon hindi upang magsaya sa lupa. Siya’y naparito upang maglingkod, magturo at tuluyang mag-alay ng buhay hanggang kamatayan upang mabayaran ang utang ng ating pagkakasala. Tayo rin ay tinatawag na tanggapin ang anumang krus na mayroon tayo sa buhay. Darating at darating ang araw na tutulungan tayo ng Diyos at iaahon saan mang kadiliman tayo nasadlak.
Ang Muling Pagkabuhay ni Hesus ang patunay na mayroong liwanag sa dulo ng paghihirap kaya dahil sa pag-asang ito, nawa’y mas maging matibay ang ating mga puso sa anumang hinaharap sa buhay. Ang paglilingkod sa Diyos ay may kaakibat na sakripisyo. May kailangan tayong bitiwan upang makaganap sa ating tungkulin. Ano ito? Saan tayo tinawag ng Diyos at ano ang sakripisyong gusto Niyang gawin natin?
Humingi tayo ng karunungan na malaman ang kalooban Niya at ng lakas ng loob na magampanan ito. Ito’y upang sa gayon, mapako man tayo sa krus at unti-unting mamatay sa sarili, tayo ay parang mga buto na itinatanim ng Diyos sa ilalim ng lupa kung saan madilim, subalit darating ang panahong tayo’y uusbong din para magbigay ng buhay sa iba sa pamamagitan ni Hesus. Amen.