ANO ANG SEMANA SANTA?
Gabay sa mga Mahal na Araw 2024
Halina’t sulyapan natin ang bawat araw ng Semana Santa upang higit tayong makapagbigay ng pagpapahalaga ang mga banal na araw na ito.
LINGGO NG PALASPAS
Nagsisimula ang mga Mahal na Araw sa Linggo ng Palaspas. Dito ay inaalala natin ang matagumpay na pagpasok ni Hesus sa Herusalem habang ang mga tao ay nagbubunyi at nagwawagayway ng mga sanga ng puno. Sumisigaw sila ng “Hosana!” bilang tanda ng kanilang pagdakila sa Panginoon.
Bilang mga Katoliko, tayo rin ay nagdadala ng palaspas sa simbahan. Ang mga ito ay iniuuwi at inilalagay sa altar. Hindi ito anting-anting kundi isang paalala na si Hesus ay sinasalubong at tinatanggap natin sa ating pamilya at tahanan.
Tinatawag din ang araw na ito bilang Linggo ng Pasyon sapagkat sa Banal na Misa ay ipahahayag ang pasyon o pagpapakasakit ng ating Panginoon.
LUNES SANTO AT MARTES SANTO
Sa mga araw na ito ay patuloy ang pangangaral ni Hesus tungkol sa Kanyang napipintong kamatayan. Sa Lunes Santo ay maririnig natin ang ebanghelyo tungkol kay Maria ng Betania na nagpahid ng pabango sa paa ni Hesus. Sa Martes Santo ay maririnig nating sinasabi ni Hesus na isa sa Kanyang mga alagad ang magkakanulo sa Kanya.
MIYERKULES SANTO
Kilala rin ang araw na ito bilang “Spy Wednesday” sapagkat ang ebanghelyong maririnig natin ay tungkol sa pakikipag-usap ni Hudas Iscariote sa mga punong saserdote. Siya ay nakipagkasundo sa kanila upang madakip si Hesus. Bilang pabuya, si Hudas ay tumanggap ng tatlumpung salaping pilak.
HUWEBES SANTO
Tinatawag din ang araw na ito sa Ingles bilang “Maundy Thursday.” Ito ay nagmula sa salitang Latin na “mandatum” na ang ibig sabihin ay utos sapagkat sa araw na ito, inaalala natin ang pagbibigay ni Hesus ng isang bagong utos o Kanyang huling habilin – ang magmahalan tayo.
Dalawang liturhiya ang ipinagdiriwang sa araw na ito.
Sa umaga ay nagaganap sa mga katedral ng bawat diyosesis ang Misa na may Pagtatalaga ng Banal na Krisma at Pagbabasbas ng Langis para sa mga maysakit at mga inihahanda sa pagbibinyag. Sa Misa na ito ay sinasariwa ng kaparian ang kanilang pangako ng katapatan sa Obispo at sa paglilingkod.
Sa hapon ay isinasagawa ang Misa sa Paghahapunan ng Panginoon. Dito ay inaalala natin ang Huling Hapunan ni Hesus kung saan ay ibinigay Niya ang Kanyang katawan at dugo sa anyo ng tinapay at alak. Pagkatapos ng homilya ay hinuhugasan ng pari ang paa ng mga piling miyembro ng sambayanan. Ito ay bilang pagtulad sa ginawang paglilingkod ni Hesus sa Kanyang mga apostoles. Hindi nagkakaroon ng huling pagbabasbas sa Misang ito, bagkus ay mayroong prusisyon ng Banal na Sakramento patungo sa Altar ng Repositoryo. Ilalagak dito ang mga natirang ostiya at magkakaroon ng pagtatanod o bihilya hanggang hatinggabi.
Nakaugalian na ng mga Pilipino na mag-Visita Iglesia sa gabi ng Huwebes Santo. Ito ay ang pagdalaw sa pitong simbahan upang sumamba kay Hesus na nasa Altar ng Repositoryo.
BIYERNES SANTO
Inaalala natin tuwing Biyernes Santo ang pagpapakasakit at kamatayan ni Hesus sa Krus. Tanda ng ating pakikiisa sa paghihirap Niya, tayo ay nag-aayuno at nangingilin sa araw na ito. Tuwing ika-12 ng tanghali, sa pinaniniwalaang oras ng pagpako ni Hesus sa Krus, nagkakaroon ng Siete Palabras. Ito ay pitong pagninilay sa pitong huling salita ni Hesus sa Krus.
Pagsapit ng ikatlo ng hapon, nagkakaroon ng pagpaparangal sa krus. Bagamat para sa iba ay kasangkapan ito ng pagkamatay at pagkatalo, para sa ating mga Kristiyano, ito ay simbolo ng tagumpay at kaligtasan. Hindi ito ang Banal na Misa dahil wala pong Misa sa araw na ito. Sa isang buong taon, ito lang ang natatanging araw na walang Misa subalit nagkakaroon ng Banal na Komunyon mula sa mga natirang ostiya noong Huwebes Santo.
Sa gabi ay isinasagawa ang Prusisyon ng Paglilibing. Ang ating Parokya ang may pinakamahabang prusisyon sa buong Metro Manila na bumibilang ng 91 karosa.
SABADO DE GLORIA
Pagkatapos ng napakaraming gawain, sa araw na ito ay tahimik na nagninilay ang Simbahan sa pagkamatay ng Panginoon. Hindi ginaganap ang pagmimisa hanggang sumapit ang masayang pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay.
Sa gabi ay isinasagawa ang Magdamagang Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Mayroong apat na bahagi ang bihiliyang ito. Ang unang bahagi ay ang Pagpaparangal sa Ilaw. Dito ay inihahanda at binabasbasan ang bagong siga. Mula rito ay sisindihan ang Kandilang Pampaskwa. Pagkatapos, ang lahat ay magpuprusisyon papasok ng simbahan. Pagdating sa dambana, ang exultet ay aawtin. Ito ang maringal na pagpapahayag na si Hesus ay muling nabuhay.
Ang ikalawang bahagi ay ang Liturhiya ng Salita ng Diyos. Ipinapahayag sa atin ang kasaysayan ng kaligtasan. Pitong pagbasa ang mula sa Lumang Tipan, at dalawa mula sa Bagong Tipan. Maaaring bawasan ang mga pagbasa kung kinakailangan.
Pagkatapos ay isinasagawa ang Liturhiya ng Binyag. Dito ay tinatanggap ang mga bagong miyembro ng Simbahan. Tayo naman ay nagsasariwa ng mga Pangako sa Binyag bilang pakikiisa sa kamatayan at muling pagkabuhay ni Hesus.
Ang huling bahagi ay ang Liturhiya ng Eukaristiya. Tinatanggap natin si Hesus na Tinapay ng Buhay. Siya ang maamong tupa na inihain para sa katubusan ng ating mga kasalanan.
LINGGO NG PAGKABUHAY
Ang araw na ito ay araw ng pagbubunyi. Nagsasaya tayo sapagkat si Hesus ay nagtagumpay sa kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang muling pagkabuhay.
Sa madaling araw ng Linggo ng Pagkabuhay ay ginaganap ang tradisyunal na Salubong. Pinagtatagpo ang imahen ni Hesus na muling nabuhay at ng Mahal na Birheng Nagagalak (Alegria) at pinatutunog ang mga kampana tanda ng ating lubos na kagalakan. Ang lahat ay umaawit ng Papuri sa Diyos bilang pasasalamat sa bagong buhay na handog ni Kristo.
IPAGDIWANG NATIN ANG MGA BANAL NA ARAW NA ITO
Sa patuloy nating pagtuklas sa yaman ng linggong ito, tayo nawa ay higit na makiisa sa paghihirap at kamatayan ni Hesus upang makasama rin tayo sa Kanyang muling pagkabuhay. Tayo nawa ay dumalo sa mga gawain ng simbahan sa panahong ito.