Pintakasi ng Bayan ng Marikina
Isinulat ni Mark Andrei De Leon
Sa pagdaloy ng panahon, maraming pagsubok ang dumating sa buhay nating mga tao. Dito nasubok ang ating pananampalataya sa Diyos, sinubok ang ating tiwala sa Kanya. Sa panahon na tayo ay nagkakaroon ng pagdududa sa mga nangyayari sa ating buhay, minsan na rin siguro nating pinagdudahan ang plano ng Diyos dulot ng mga pangyayaring hindi natin nais.
Pinapaalala sa atin ng Kanyang inang si Maria sa Ebanghelyo ni San Juan 2:5, “Gawin ninyo ang anumang sabihin Niya sa inyo”. Ayon kay Most. Rev. Thomas Olmstead ng Diyosesis ng Phoenix noong taong 2018, bago pa man sabihin ng Mahal na Ina ang mga salita sa Ebanghelyo ni San Juan, natutuhan na ni Maria na kilalanin ang tinig ng Diyos. Humihingi siya ng tulong sa pananalangin sa Diyos upang maunawaan ang Kanyang ipinagagawa.
Makikita natin na minsan ay mahirap man na pumayag sa kagustuhan ng Diyos kung saan kailangan ng malalim na pang-unawa. Sumang-ayon ang Mahal na Ina at ibinigay ang buong tiwala sa Kanya sa pagwika ng “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ayon sa iyong sinabi” (Lucas 1:38).
Ang tugon ng Mahal na Birhen ay isang mabuting halimbawa sa ating mga Marikeño sa pagpayag sa kalooban ng Diyos. Tulad ni Maria na ating Pintakasi sa Bayan ng Marikina, matuto nawa tayong unawaing mabuti ang mga nangyayari sa ating paligid at magtiwala sa Diyos. Matutuhan din natin na kilalanin at pakinggan ang tinig ng Diyos sa mga pangyayari sa ating buhay at humingi ng tulong sa Kanya sa pamamagitan ng panalangin upang atin ding maunawaan ang Kanyang kalooban at kagustuhan.
Sa dinami-dami ng pagsubok na dumating sa buhay, lalo na sa Marikina tulad noong nanalanta ang Bagyong Ondoy at Ulysses, sinubok hindi lamang ang ating kakayahan na makaligtas mula sa kalamidad ngunit ang atin ding paniniwala na ibabangon Niya tayo mula rito. Nang halos lumubog ang buong lungsod, hindi natinag ang pananampalataya ng mga Marikeño sapagkat ang simbahan ang isa sa mga naging kasalukuyang tirahan ng mga taong naapektuhan ng baha at mismong Simbahan din ang nagbigay ng tulong sa mga nasalanta. Tulad ng Mahal na Ina na nagdusa rin noong kanyang panahon dito sa mundo ngunit hindi natinag ang pananampalataya sa Diyos, ganoon din tayong mga Marikeño noong sumalanta ang dalawang bagyo.
Dahil sa katibayan ng pananampalataya sa Kanya at sa tulong ng Mahal na Birhen, ang Ina ng mga Walang Mag-ampon o “Mama OLA” sa mga mananampalataya, lumalim ang pananalig at doon ay ibinigay ng Diyos ang mga temporal at espirituwal na pangangailangan ng mga tao sa pamamagitan ni Mama OLA. Noong 2005 ay binigyang permiso ng yumaong Papa Benedikto XVI ang Nuestra Señora de los Desamparados na gawaran ng Koronasyong Kanonikal. Ang koronasyon ay bunga ng malalim na pananampalataya sa Diyos kung saan si Mama OLA ang kinilala ng Sangguniang Lungsod bilang “Pintakasi ng Marikina” at Ina ng pananampalatayang Katoliko.
Sa pagdiriwang natin ng ikalabingwalong anibersaryo ng Koronasyong Kanonikal ng Ina ng mga Walang Mag-ampon ngayong ika-23 ng Oktubre, nawa ay lalong tumibay ang ating pananampalataya sa Diyos. Ang koronasyon nawa ay maging paalala ng ating malalim na pananampalataya sa Diyos na hindi matitinag anumang pagsubok ang dumating. Ito nawa ay maging isang pang habangbuhay na tanda na binigyan Niya tayo ng isang Ina na aalalay sa atin anumang unos ang dumating sa ating buhay. Tulad ng Pintakasi ng Marikina, unawain nawa natin ang kalooban ng Diyos para sa atin at ibigay sa Kanya ang ating tiwala at “oo”.
Sa pamamagitan ng Ina ng mga Walang Mag-ampon, dinggin mo ang aming panalangin Panginoon!
Amen +
Mga Sanggunian:
De Jesus, M. (2023, August 22). Mary, our Queen and mother. https://www.olamarikina.com.ph/mary-our-queen-and-mother
Malabanan, J. (2017, May 12). Nuestra Señora delos Desamparados de Marikina - The Queen of Marikina City. Pintakasi. https://pintakasi1521.blogspot.com/2017/05/nuestra-senora-delos-desamparados-de_97.html?m=1&fbclid=IwAR0q32P-XPcgPlEGU2AuQtNOcMZ9Tq7by1vM554AD1xIJ8Fz-qpw1o8BYTQ
Olmsted, B. T. J. (2017). ‘Do whatever He tells you.’ The Catholic Sun. https://www.catholicsun.org/2017/10/18/do-whatever-he-tells-you/
The Shrine. (n.d.). https://www.olamarikina.com.ph/the-Shrine?fbclid=IwAR3ioyhtFHwizaPV3rl6nDCY-5imt3HP-sDjSG3IKhAH82XBYB3ui0OOWu8