At sinabi Niya [ni Hesus] sa kanila, “Kung gayon, ibigay ninyo sa Cesar ang sa Cesar, at sa Diyos ang sa Diyos.” Noong mga panahong iyon, malapit na ang pagpapakasakit ni Hesus. Ang Kanyang sagot sa Ebanghelyo tungkol sa buwis ay tila isang paalala na tayo rin ay Kanyang tutubusin mula sa ating pagkakasala. Sa Kanyang pagtubos sa atin, hindi pera ang katumbas nito kung hindi ang Kanyang Banal na Katawan at Dugo. Ang Diyos ang nagbayad para sa ating kasalanan gayong hindi naman Siya ang nagkasala. Hindi ba’t dapat lang din nating gawin kung ano ang tama? Isang ehemplo lang ang pagbabayad ng buwis. Subalit maaring maggawa rin ito sa napakaraming bagay. Gawin natin ang ating obligasyon sa bahay, gobyerno, at Simbahan. Ngayong araw ay Linggo. Banal na obligasyon natin ang pagsisimba. Binibigay ba natin ang dapat para sa Diyos? Binibigay ba natin ang hiling Niyang isang oras man lang sa isang Linggo? Ang pagtupad ng tungkulin at pagiging tapat ay masusukat kapag binibigay natin ang dapat para sa Diyos at para sa tao. Sa pagnenegosyo, tapat ba tayo at hindi nandaraya? Sa paaralan bilang isang estudyante, ginagawa ba natin ang makakaya at hindi ginagamit ang iba para maggawa ang mga dapat? Ang Ebanghelyo ngayon ay magagawa natin sa maraming paraan at aspeto ng ating buhay. Ang Diyos ay matapat. Bilang Kanyang mga anak, tungkulin natin na Siya ay sundin at tularan.
Amen. +
Marga de Jesus | OLA Social Communications