MABUTING BALITA
Mateo 22, 34-40
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nagtipun-tipon ang mga Pariseo nang mabalitaan nilang napatahimik ni Hesus ang mga Sadduseo. At isa sa kanila, isang dalubhasa sa Kautusan ang nagtanong kay Hesus upang subukin ito: “Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?”
Sumagot si Hesus, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. Ito ang pinakamahalagang utos. Ito naman ang pangalawa: “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang turo ng mga propeta.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PAGNINILAY:
Paano nga magmahal? Madalas ang konsepto natin ng pag-ibig ay nakapako lamang sa mga napapanood nating “love story” sa telebisyon o sa pelikula. Doon mas madalas kaysa hindi ay kilig at tuwa ang basehan ng pag-ibig. Subalit ang pag-ibig na sinasabi ng Diyos sa ebanghelyo natin ngayon ay tulad ng pag-ibig Niya sa Krus. Ito’y pinapakita at pinadarama sa pamamagitan ng pagsasakripisyo para sa minamahal. Walang pag-ibig na walang paghihirap sapagkat ang tunay na pagmamahal ay makikita sa paglilingkod sa minamahal. Si Hesus ay naglingkod sa atin. Ganito rin ang dapat nating gawin sa iba kung sinasabi nating tunay nating mahal ang Diyos.
Kung mahal natin ang Panginoon, tanggapin natin maging ang pinakamadungis, pinakamahirap at mga abandonado sa ating lipunan. Ganito ang ginawa ng Diyos at ang gusto Niyang gawin natin. Hindi natin masasabing mahal natin Siya kung hindi natin kayang mahalin ang mga taong nasa harapan natin at nanghihingi ng tulong sa atin. Hindi pagmamahal ang pagsasawalang bahala sa mga paghihirap ng minamahal. Ang pusong nagdarasal at tumatanggap ng Banal na Katawan at Dugo ni Hesus sa Eukaristiya ay ang magbubukas sa atin na magmahal ng kapwa gaya ni Kristo. Ang kapwa ay mga kapatid natin sa Diyos. Kabilang tayo sa iisang pamilya Niya. Hindi man nila tayo magantimpalaan pabalik, ang taong nagmamahal, tumutulong at naglilingkod sa kapwa gaya ng utos ng Diyos ay nagiging tunay na anak Niya dito at sa Langit. Siya ang makakamana ng Kaharian ng Diyos. Amen. +
Mahal na Ina ng mga Walang Mag-ampon, ipanalangin mo kami upang magawa namin ang kalooban ng Diyos. Amen. +
Marga de Jesus | OLA Social Communications
PAALALA: Sa araw ng Linggo ay magsimba po tayo. Narito po ang oras ng mga Banal na Misa sa ating Parokya: 5:00 AM, 6:30 AM, 8:00 AM, 9:30 AM, 11:30 AM, 4:00 PM, 5:15 PM, at 6:30. Ito ay ating Banal na Obligasyon. Maraming salamat po.
Pagpalain po nawa tayo ng Panginoon at ipanalangin ng ating Mahal na Ina ng mga Walang Mag-ampon.