Tunay na pinagpala si Maria! Ito ay pinatotohanan ng Anghel Gabriel nang siya ay dumalaw kay Maria. Mababasa sa ebanghelyo sa araw na ito: “Matuwa ka! Ikaw ay kalugod-lugod sa Diyos,” wika niya. “Sumasaiyo ang Panginoon!” (Lucas 1:28).
Pinagpalang nilikha,
Ipinaglihing walang sala.
Pusong dalisay, dakila,
Maria, Ina ng awa.
Ito ang mga salita sa awiting "Pinagpala ka, Maria" ni Fr. Jamie Lara at Fr. Carlo Magno Marcelo.
Tunay na pinagpala si Maria! Ito ay pinatotohanan ng Anghel Gabriel nang siya ay dumalaw kay Maria. Mababasa sa ebanghelyo sa araw na ito: “Matuwa ka! Ikaw ay kalugod-lugod sa Diyos,” wika niya. “Sumasaiyo ang Panginoon!” (Lucas 1:28). Pinagpala si Maria dahil sa lahat ng babae sa buong kasaysayan, siya ang pinili ng Diyos upang maging Ina ng ating Panginoon.
Upang ihanda siya sa mahalagang gampaning ito, siya ay paunang iniligtas at ipinaglihing walang sala. Ito ang dogma ng Inmaculada Concepción. Bilang mga Katoliko, naniniwala tayo na ang Mahal na Birheng Maria ay walang bahid ng kasalanan sa kanyang buong buhay - mula nang siya ay ipinaglihi sa sinapupunan ng kanyang inang si Santa Ana hanggang sa wakas ng kanyang buhay.
Ngunit magandang malaman na hindi lang si Maria ang pinagpala. Tayo rin ay pinagpala ng Diyos! Sa ating Ikalawang Pagbasa sa araw na ito, sinabi ni San Pablo sa mga taga-Efeso: "(...) Hinirang na niya tayo bago pa nilikha ang sanlibutan upang maging banal at walang kapintasan sa harapan niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, tayo’y kanyang itinalaga upang maging mga anak niya sa pamamagitan ni Hesukristo…" (Efeso 1:4-5).
Tulad ni Maria, tayo ay napupuspos pag-ibig ng Diyos. Pinagpala rin tayo sapagkat minamahal tayo ng Diyos. Dahil sa pagmamahal na ito, hinahangad ng Diyos na makapiling tayo sa langit magpakailanman. Nawa sa pagdiriwang natin ng Dakilang Kapistahang ito, pagsumikapan nating maging malinis ang ating puso't isipan gaya ni Maria.
Hangarin nating matamo ang buhay na walang hanggan balang araw. Iwasan natin ang paghuhusga at pag-iisip ng masama sa ating kapwa, pati na ang kahalayan at iba pang makamundong bagay. Lumapit tayo kay Maria na bukod na pinagpala ng Panginoon. Sa kanya natin makikita ang pinakamabuting halimbawa ng kabutihan at kababaang-loob. Tularan natin siya sa kanyang kalinisan sa isip, sa salita, at sa gawa.
Tanda ng ating pagpupuri sa Diyos sa pagbibigay sa atin ng Mahal na Birheng Maria, magsimba tayo sa araw na ito. Ngayon ay pistang pangilin o holy day of obligation. Ibig sabihin, lahat ng Katoliko ay inaasahang magsimba sa araw na ito. Magpasalamat tayo sa Diyos dahil ang Inmaculada Concepción ang pangunahing patrona ng Pilipinas batay sa deklarasyon ni Papa Pio XII noong ika-12 ng Setyembre, 1942.
O Maria, ipinaglihing walang kasalanan, ipanalangin mo kaming dumudulog sa iyo!
KN Marcelo | OLA Social Communications
Disyembre 8, 2023