Disyembre 3, 2023.
MABUTING BALITA
Marcos 13, 33-37
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos.
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat kayo at maging handa sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang oras. Katulad nito’y isang taong umalis upang maglakbay sa malayong lupain: ipinababahala ang kanyang tahanan sa mga alipin na binigyan ng kanya-kanyang gawain, at inuutusan ang bantay-pinto na maging laging handa sa kanyang pagdating.
Gayon din naman, maging handa kayong lagi, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan darating ang puno ng sambahayan – maaaring sa pagdilim, sa hatinggabi, sa madaling-araw, o kaya’y sa umaga – baka sa kanyang biglang pagdating ay maratnan kayong natutulog. Ang sinasabi ko sa inyo’y sinasabi ko sa lahat: Maging handa kayo!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Ngayon nga po ay Unang Linggo ng Adbiyento. Ang panahon na ito ay iniuukol para sa paghahanda. Sabi ng ibang sekta bakit daw kada taon ay ipinapanganak muli si Kristo. Ang sagot dito’y kapag may kaarawan ang isang tao, hindi naman ibig sabihin nito ay pinapanganak siyang muli. Ang pagdiriwang ng kapanganakan ni Hesus sa mundo ay isang mahalagang oportunidad upang pagnilayan bakit nga ba Siya naparito at kung gaano Niya tayo kamahal.
Mahalagang maramdaman natin at pagnilayan paulit-ulit ang pag-ibig na ito na iniaalay ng Panginoon sa atin. Sa dami ng mga iniaalay ng mundo na iba’t ibang bagay upang pagkaabalahan at para maaliw kahit saglit, madaling makalimutan ang pag-ibig na ito ng Diyos. Ang pag-ibig na ito’y tahimik at hindi nagpupumilit. Ito’y puno ng sakripisyo para sa minamahal.
Naparito si Hesus at naging Tao kahit pa Siya’y Diyos. Pag-ibig lamang ang tanging dahilan nito. Ito lamang ang tanging paraan para tayo’y makapasok sa Langit sapagkat tayong mga makasalanan ay hindi maililigtas ang sarili natin.
Dahil sa kasalanan, putol na ang dati’y perpektong ugnayan ng Diyos sa tao. Ang makakagawa lang nito at nakagawa na nga ay si Kristo. Ano naman kaya ang maibibigay natin sa Kanya? Nawa’y makapaglaan tayo ng oras para sa Panginoon sa pananalangin. Bawasan natin nang kaunti ang oras na para sa atin para ibigay sa Diyos. Malaki ang maitutulong nito sa ating mga puso at kaluluwa.
Ngayon din ang panahon upang magkawanggawa sa kapwa. Kahit hindi magpapasko, sana’y ipagpatuloy natin ang mga gawaing ito. Pahalagahan natin si Kristo kahit hindi buwan ng Disyembre ngunit ito’y maaring simulan na natin ngayon. Nawa, ang lahat ng ating mga gawa ay maging pasasalamat kay Kristo sa pag-aalay ng Kanyang buhay para sa ating lahat. Amen. +
Marga de Jesus | OLA Social Communications
Maari pong mabasa ang buong ebanghelyo sa Awit at Papuri Communications official website.
PAALALA: Sa araw ng Linggo ay magsimba po tayo. Narito po ang oras ng mga Banal na Misa sa ating Parokya: 5:00 AM, 6:30 AM, 8:00 AM, 9:30 AM, 11:30 AM, 4:00 PM, 5:15 PM, at 6:30. Ito ay ating Banal na Obligasyon. Maraming salamat po. Pagpalain po nawa tayo ng Panginoon at patuloy na ipanalangin ng ating Mahal na Ina ng mga Walang Mag-ampon.