Disyembre 10, 2023.
MABUTING BALITA
Marcos 1, 1-8
Ang simula ng Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Ito ang Mabuting Balita tungkol kay Hesukristo na Anak ng Diyos. Nagsimula ito noong matupad ang hula ni Propeta Isaias:
“‘Narito ang sugo ko na aking ipadadalang mauuna sa iyo,
ihahanda niya ang iyong daraanan.’
Ito ang sabi ng isang sumisigaw sa ilang:
‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon,
tuwirin ninyo ang kanyang mga landas!’”
At dumating nga sa ilang si Juan, nagbibinyag at nangangaral. Sinabi niya sa mga tao, “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan, at pabinyag kayo upang kayo’y patawarin ng Diyos.” Halos lahat ng taga-Judea at taga-Jerusalem ay pumunta kay Juan upang makinig. Ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sila’y bininyagan niya sa Ilog Jordan.
Hinabing balahibo ng kamelyo ang damit ni Juan at balat ang kanyang pamigkis. Ang kanya namang pagkai’y balang at pulut-pukyutan. Lagi niyang sinasabi sa kanyang pangangaral, “Darating na kasunod ko ang isang makapangyarihan kaysa sa akin: ni hindi ako karapat-dapat magkalag ng tali ng kanyang mga panyapak. Binibinyagan ko kayo sa tubig, ngunit bibinyagan niya kayo sa Espiritu Santo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Ang panahon na ito’y dapat iukol sa paghahanda. Hindi ng mga regalo, pagkain o programa sa piging, damit at kung ano pa kundi ng ating mga puso at kaluluwa. Walang kabuluhan ang Pasko kung napapako lamang tayo sa mga materyal at panandaliang bagay na natatapos din. Para maramdaman natin ang Pasko, ituon natin ang ating buong sarili sa nag-iisang dahilan ng pagdiriwang ng lahat – ang ating Panginoong Hesus. Kung tayo’y nakapagbibigay ng panahon para sa pamimili at pag-eensayo ng sayaw o kanta para sa mga handaan, bakit hindi tayo maglaan ng mas maraming oras para manalangin sa Diyos? Bakit hindi tayo mag-organisa ng mga programa na may layuning tumulong sa mga mahihirap?
Ito ang mga bagay na magagawa mula sa pagmamahal at nananatili lagi sa puso ng taong gumagawa nito hanggang kamatayan. Ang saya nito ay hindi maikukumpara sa pagtanggap ng materyal na bagay dahil ito mismo ang gawa ng Diyos na ginagawa natin. Sa Kanya galing ang lahat ng tunay na tuwa at kapayapaang nagtatagal. Kung gusto nating maging tunay na masaya, mahirap man ang landasin ay kay Hesus natin ibuhos ang ating lakas, oras at atensiyon. Magkumpisal tayo at magsimba hindi lamang tuwing Simbang Gabi ngunit tuwing Linggo dahil ito’y ating Banal na Obligasyon.
Ang buhay at mga gawain ay tunay na maisesentro sa Diyos kung susundin natin ang mga nasasaad sa ebanghelyo. Kung ganito, araw-araw ay tila magiging Pasko sapagkat lagi nating madarama ang Diyos na sumasaatin magpasahanggang ngayon. Amen. +
Marga de Jesus | OLA Social Communications
Maari pong mabasa ang buong ebanghelyo sa Awit at Papuri Communications official website.
PAALALA: Sa araw ng Linggo ay magsimba po tayo. Narito po ang oras ng mga Banal na Misa sa ating Parokya: 5:00 AM, 6:30 AM, 8:00 AM, 9:30 AM, 11:30 AM, 4:00 PM, 5:15 PM, at 6:30. Ito ay ating Banal na Obligasyon. Maraming salamat po. Pagpalain po nawa tayo ng Panginoon at patuloy na ipanalangin ng ating Mahal na Ina ng mga Walang Mag-ampon.