MABUTING BALITA
Juan 3, 14-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong mga araw na iyon: sinabi ni Hesus kay Nicodemo, “Kung paanong itinaas ni Moises ang ahas doon sa ilang, gayun din naman, kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya. Hindi hinahatulang maparusahan ang nananampalataya sa bugtong na Anak ng Diyos; ngunit hinatulan nang parusahan ang hindi nananampalataya sa kanya. Hinatulan sila sapagkat naparito sa sanlibutan ang ilaw, ngunit inibig pa ng mga tao ang dilim kaysa liwanag, sapagkat masama ang kanilang mga gawa. Ang gumagawa ng masama ay ayaw sa ilaw, at hindi lumalapit dito upang hindi mahayag ang kanyang mga gawa. Ngunit ang namumuhay sa katotohanan ay lumalapit sa ilaw; sa gayun, nahahayag na ang kanyang mga ginagawa’y pagsunod sa Diyos.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Ngayong Linggo ay tinaguriang “Laetare Sunday”. Ang ibig sabihin ng “Laetare” ay “Rejoice” sa wikang Latin. Magalak tayo sapagkat malapit na ang pinaghahandaang Muling Pagkabuhay ng Panginoon. Habang nasa kalagitnaan ng kabi’t kabilang mga debosyon at pagsasakripisyo, binibigyan tayo ng Diyos ng isang Linggo upang magdiwang. Nakapaganda ng ating ebanghelyo ngayong araw dahil ito’y tungkol sa pag-ibig ng Diyos. Hindi naparito ang Diyos upang humatol kundi upang ang lahat ay maligtas.
Hindi natin ginagawa ang lahat ng mga debosyong ito dahil takot tayo na mapunta sa apoy ng impiyerno. Mas mainam na dahilan na mahal natin ang Diyos, gusto natin Siyang samahan sa apatnapung araw na ito. Gusto nating alalahanin ang Kanyang pagpapakasakit at pagkamatay sa Krus na ginawa rin Niya dahil sa pag-ibig.
Ang tunay na pag-ibig ay ganito: masusukat ito sa sakripisyo at pag-aalay ng sarili. Bagamat wala naman talaga itong sukat ngunit iyon ang batayan. Kaya nga ang isang ina, sa panganganak pa lang ay mas pinipiling ibuwis ang buhay para isilang ang anak. Ito’y sakripisyo na. Ang isang magulang ay maaring umalis ng bansa at mawalay sa mga anak para sa kanilang kinabukasan. Ito’y isa ring sakripisyo.
Paano natin masasabing nagmamahal tayo kung wala tayong ginagawa? Kaya ang pinakadakilang pag-ibig ay kay Hesus dahil ginawa at binigay Niya ang lahat-lahat para sa atin. Wala Siyang itinira pati ang buong sarili – ang Kanyang Banal na Katawan at Dugo ay ibinigay at ibinibigay pa hanggang ngayon sa mga Banal na Misa sa buong mundo. Tayo kaya, ano ang tunay na maibibigay natin sa Diyos para masabi nating mahal natin Siya?
Maganda unang una ang dumalo sa Banal na Misa dahil ito’y ating obligasyon. Mahalaga rin ang magkumpisal tayo at manalangin araw-araw upang mapalalim ang relasyon sa Diyos. Bukod sa mga ito, tumulong tayo sa kapwang nangangailangan. Tratuhin natin ang iba nang mabuti kahit ang mga kaaway natin. Ganito ang pag-ibig sa atin ng Diyos na bagamat dahil sa ating mga makasalanan kaya Siya’y napako sa Krus, minamahal pa rin Niya tayo at pinatatawad, tinatanggap nang buong buo. Kapag tayo’y nagkumpisal, burado na ang ating mga kasalanan. Kaya rin kaya nating burahin ang kasalanan ng iba sa atin at magpatawad? Ang Ngalan ng Diyos ay parehong Pag-ibig at Awa. Tayo rin dapat na mga anak Niya kung tayo’y tunay.
PAALALA: Sa araw ng Linggo ay magsimba po tayo. Narito po ang oras ng mga Banal na Misa sa ating Parokya: 5:00 AM, 6:30 AM, 8:00 AM, 9:30 AM, 11:30 AM, 4:00 PM, 5:15 PM, at 6:30. Ito ay ating Banal na Obligasyon. Maraming salamat po. Pagpalain po nawa tayo ng Panginoon at patuloy na ipanalangin ng ating Nuestra Señora delos Desamparados.