“PAGSUNOD AT PAGBIBIGAY” | Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Marga de Jesus | OLA Social Communications

Mainam na mag-ipon tayo ng kayamanang espirituwal na madadala sa Langit upang tayo ay makapasok doon – ang ating mabubuting gawa at pagbibigay mula sa puso.

Oktubre 13, 2024


MABUTING BALITA
Marcos 10, 17-30


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos


Noong panahong iyon, habang paalis na si Hesus ay may isang lalaking patakbong lumapit, lumuhod sa harapan niya at nagtanong, “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Sumagot si Hesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos. Alam mo ang mga utos: ‘Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang magsisinungaling sa iyong pagsaksi; huwag kang magdadaya; igalang mo ang iyong ama’t ina.’” “Guro,” sabi ng lalaki, “ang lahat po ng iya’y tinutupad ko na mula pa sa aking pagkabata.” Magiliw siyang tiningnan ni Hesus, at sinabi sa kanya, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Humayo ka, ipagbili mo ang iyong ari-arian at ipamigay sa mga dukha ang pinagbilhan, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.” Namanglaw ang lalaki nang marinig ito, at malungkot na umalis, sapagkat siya’y napakayaman.


Tiningnan ni Hesus ang mga nasa paligid niya at sinabi sa kanyang mga alagad, “Napakahirap mapabilang ang mayayaman sa mga pinaghaharian ng Diyos.” Nagtaka ang mga alagad sa pananalitang ito. Muling sinabi ni Hesus, “Mga anak, talagang napakahirap mapabilang sa mga pinaghaharian ng Diyos! Madali pang makaraan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa pasakop sa paghahari ng Diyos ang isang mayaman.” Lalong nagtaka ang mga alagad, kaya’t sila’y nagtanungan, “Kung gayo’y sino ang maliligtas?” Tinitigan sila ni Hesus at sinabi sa kanila, “Hindi ito magagawa ng tao, ngunit hindi ito mahirap sa Diyos. Magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay.”


At nagsalita si Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan namin ang lahat at kami’y sumunod sa inyo.” Sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo ito: ang sinumang mag-iwan ng bahay, o mga kapatid, ina, ama, mga anak, mga lupa, dahil sa akin at sa Mabuting Balita, ay tatanggap ng makasandaang ibayo sa buhay na ito – mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak, at mga lupa – ngunit may kalakip na pag-uusig. At sa kabilang buhay ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.”


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


Pagninilay:

Nakapagtataka siguro sa mundong minamahal ang kayamanan na mabasa sa ebanghelyo na malungkot ang isang mayaman. Bukod pa rito, na mahirap makapasok sa Kaharian ng Diyos ang isang mayaman. Mahirap pero posible.


Sa ebanghelyo, may isang binata na pumunta kay Hesus at nagtanong kung ano ang kanyang dapat gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan. Noong nabanggit niya na nagawa na niya ang lahat ng utos ng Diyos, inanyayahan siya ni Hesus na iwan ang lahat, ibenta ang lahat ng mayroon siya at sumunod kay Hesus. Ito ang hindi niya nagawa kaya siya nalungkot. Tiyak nga na darating tayo sa punto ng buhay na kung nakuha na natin ang lahat ng nais natin, bakit tila may kulang pa rin? Baka nakalimutan na natin ang Diyos o mas naging mahalaga na kung ano ang materyal na mayroon tayo at nakontento na roon kaysa sa ating relasyon sa Diyos. 


Hindi masama ang yaman. Ngunit ang nagiging masama ay ang epekto ng labis na pag-ibig at pagpapahalaga rito. Kung mayroon mang sobrang yaman, karamihan doon ay hindi para sa sarili kundi para sa iba. Binibigyan tayo ng biyaya ng Diyos para maibigay sa iba ayon sa kakayanan. Hindi rin kailangang maging mayaman bago magbigay dahil kung ano man ang ating ibibigay, kahit kapiraso ito sa ating paningin, malaki ito sa paningin ng Diyos kung ginagawa dahil sa pagmamahal. Huhusgahan at gagantimpalaan tayo base sa pag-ibig. 


Mahalagang tandaan na may destinasyon pa tayong pupuntahan. Hindi ito rito sa lupa. Ang mahalaga rito sa mundo ay hindi ang mag-ipon ng maraming makamundong kayamanang pinapalakpakan ng mundo ngunit iiwan din. Mainam na mag-ipon tayo ng kayamanang espirituwal na madadala sa Langit upang tayo ay makapasok doon – ang ating mabubuting gawa at pagbibigay mula sa puso. Amen. +


By KN Marcelo | OLA Social Communications February 5, 2025
Gaya ni San Blas, huwag nawa tayong mag-alinlangang ipagtanggol ang ating pananampalataya. Huwag tayong matakot sa pangungutya o pag-uusig.
By Marga de Jesus | OLA Social Communications February 5, 2025
Kapag binigay natin nang buo ang sarili at buhay sa Diyos upang ang plano Niya ang masunod, magkakaroon tayo ng kasiyahan, kapanatagan ng loob at kapayapaan na hindi natin matatagpuan makuha man natin ang lahat ng yaman sa mundo.
By Chris Alphonsus J. Terence | OLA Social Communications January 28, 2025
Makikita ang karunungan sa ating buhay kung ginagamit natin lahat ng ating kakayahan at kaalaman para sa papuri sa Panginoon at upang tulungan ang iba na mapalapit sa Kanya.
By Marga de Jesus | OLA Social Communications January 24, 2025
Si San Francisco ng Sales ay isang obispo at pantas ng Simbahan. Siya ay kilala bilang “the gentleman saint”.
By Chris Alphonsus J. Terence | OLA Social Communications January 20, 2025
Maaaring hindi natin nararanasan ang pagdurusa na naramdaman ng santo na ating ginugunita ngayon, ngunit tayo ba ay patuloy na naninindigan sa ating pananampalataya?
By Marga de Jesus | OLA Social Communications January 19, 2025
Malapit sa puso ng mga Pilipino ang debosyon sa Señor Sto. Niño. Sa wikang Ingles, ang ibig sabihin nito ay “Holy Child”. Ang “Holy Child” na ito ay walang iba kundi si Hesus.
By Chris Alphonsus J. Terence | OLA Social Communications January 17, 2025
Isa sa kanyang sikreto sa kabanalan ay ang pagdarasal sa Diyos sa maraming beses sa isang araw, lalo na oras ng temptasyon mula kay Satanas.
By KN Marcelo | OLA Social Communications January 15, 2025
Tuwing ika-15 ng Enero ay ginugunita ng Simbahan ang kabanalan ni San Arnold Jannsen. 
By Marga de Jesus | OLA Social Communications January 12, 2025
Ang pagbibinyag ni Juan Bautista kay Hesus ay hudyat ng simula ng pampublikong ministeryo ng ating Panginoon. Magsisimula na ang tatlong taon Niyang pamamalagi sa mundo upang magpagaling ng mga maysakit, magpalayas ng demonyo at mangaral ng Mabuting Balita.
By KN Marcelo | OLA Social Communications January 9, 2025
Nakikita ng mga tao ang kanilang paghihirap sa paghihirap ng Panginoon. Dahil sa Kanya, nararamdaman ng bawat deboto na mayroong Diyos na pwede nilang lapitan – Diyos na handang dumamay sa kanilang pinagdaraanan at nakaiintindi sa kanilang nararamdaman.
More Posts
Share by: