Ang buwan ng Oktubre ay Buwan ng Santo Rosaryo para sa ating mga Katoliko. At tuwing ika-7 ng buwang ito ay ipinagdiriwang ang Paggunita sa Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo. Ito ay bilang pag-alala sa tagumpay ng pwersang Katoliko laban sa mga mananakop na Turko. Bagamat lubhang mas malaki at mas malakas ang kalaban ay nanalo pa rin ang mga Katoliko. Pinaniniwalaang natamo nila ang tagumpay at kapayapaan dahil sa himala ng sama-samang pagdarasal ng santo rosaryo.
Sa ating buhay ay hindi rin mawawala ang mga "digmaan" o mga problema. Kung minsan, ito ay lubos na napakalaki o napakabigat kaya naiisip ng iba sa atin na sumuko na lang sa halip na lumaban. Ngunit lagi nating tatandaan na mayroong isang Ina na laging nakasubaybay sa atin. Siya ang Mahal na Birheng Maria. Handa niya tayong tulungan sa oras ng ating pangangailangan. Ipinagdarasal niya tayo at ibinubulong ang ating mga kahilingan sa kanyang Anak at ating Panginoong Hesukristo. Kaya huwag tayong mahihiyang lumapit sa kanya. Magdasal tayo ng rosaryo tanda ng ating pagmamahal at pagtitiwala. Magdasal tayo ng rosaryo upang matamo natin ang kapayapaan sa buong mundo at para sa pagbabago ng mga makasalanan.
Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo, ipanalangin mo kami!