Ngayon ay ginugunita natin si Santa Teresa ng Avila. Bata pa lamang siya ay nais na niya maging isang santo at maging martir. Gayunpaman, noong siya ay nagdadalaga, kinagawian niya ang magbasa ng mga libro na naging dahilan para siya ay maging makamundo. Hindi rin naging magandang impluwensya sa kanya ang kanyang pinsan na naging dahilan upang masanay siya na makipagtsismisan at mas mapalayo sa ating Panginoon. Napagtanto niya na nakakaapekto ito sa kanyang pagnanais na mapalapit sa Diyos kaya pinadala siya ng kanyang ama sa malapit na kumbento. Noong tumagal, pinili ni Santa Teresa ng Avila ang maging relihiyosa at madre sapagkat nakita niya ito bilang paraan upang maligtas ang kanyang kaluluwa at bumalik ang kapayapaan ng kanyang puso na matatagpuan lamang sa Diyos.
Hindi madali ang kanyang buhay nang siya ay maging ganap na madre. Ang kanyang kumbento ay maluwag at siya ay natutukso na sayangin ang oras sa pakikipag-usap sa mga madre imbes na magdasal. Alam niya ang tama ngunit nahihirapan siyang isabuhay ito. Nagbago ito noong nagpakita sa kanya ang ating Panginoong Hesus. Nakita ni Santa Teresa ng Avila ang kanyang mga kahinaan at kasalanan. Higit sa lahat, nagbago ang kanyang pananaw. Nabigyan niya ng oras ang Diyos na nananahan sa kanyang puso sa pamamagitan ng dasal at mas napakinggan niya ang tinig ng Panginoon sa oras ng katahimikan. Sa ating buhay, maaaring tayo ay nagdadasal at dumadalo sa Misa. Ngunit, naging kagawian na lamang ba natin ito? Paano naman ang ating kondisyon sa mga panahon na hindi tayo nagdarasal? Nawa’y maging halimbawa si Santa Teresa sa atin upang makita natin na hindi ang adiksyon sa “social media” at iba’t ibang mga palabas ang magbibigay ng tunay na kasiyahan kung sa pamamagitan nito ay lalo tayong nagiging makamundo. May mansyon sa ating puso kung saan naroon ang Diyos. Iniimbitahan Niya tayo na isarado ang pintuan ng ating puso sa mga makamundong bagay upang manahan tayo sa Kanyang presensya na nagdudulot ng tunay na kapayapaan. Amen.
Santa Teresa ng Avila, ipanalangin mo kami.