MABUTING BALITA
Marcos 6, 7-13
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, tinawag ni Hesus ang Labindalawa, at sinugong dala-dalawa. Binigyan niya sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, at pinagbilinan: “Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdala ng anuman, maliban sa tungkod. Ni pagkain, balutan, salapi sa inyong lukbutan o bihisan, ay huwag kayong magdala. Ngunit magsuot kayo ng panyapak.” Sinabi rin niya sa kanila, “At sa alinmang tahanang inyong tuluyan – manatili kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo sa bayang iyon. Kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang dako, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok ng inyong mga paa, bilang babala sa mga taga-roon.” Kaya’t humayo ang Labindalawa at nangaral sa mga tao na pagsisihan nila at talikdan ang kanilang mga kasalanan. Pinalayas nila ang maraming demonyo sa mga inaalihan nito; pinahiran nila ng langis at pinagaling ang maraming maysakit.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Ang pangangaral ni Hesus at ng mga apostol ay hindi para husgahan ang tao at hatulan sila. Ito ay para manumbalik sila sa Diyos. Ang mensahe ng ebanghelyo ay awa, habag at pagbabago. Maaring magbago ang tao nang dahil sa galit dahil natatakot siya subalit hindi ito magtatagal. Mas maganda kung ang tao ay magbabago dahil siya’y minahal, pinakitaan ng pang-unawa muna at pakikinig. Saka naman itatama ang dapat nang malumanay at nang may buong pagtitiyaga.
Kaya nga mahirap ang gawain ng pagpapahayag ng Mabuting Balita sa salita man o sa gawa dahil hindi ito laging matatanggap ng mga tao sa magandang paraan. Naririyan ang pagod, pang-uusig at pangungutya sa pagpapahayag at pagtatanggol sa tama, lalo kung may mga taong matitigas ang puso at ayaw makinig sa kung ano ang tamang gawin mula sa Diyos.
Kaya rin mahalaga para sa mga alagad na hindi sila magdala ng kahit ano, kung hindi ang sapat lang. Sa hindi literal na paraan, ibig sabihin nito’y hindi sila dumepende sa anumang bagay sa mundo para sa ikatutupad ng kanilang misyon, kundi sa kapangyarihan ng Diyos. Kung hindi umaasa ang ating puso sa papuri ng iba, mas magiging totoo tayo sa ating sarili at sa ating misyon mula kay Hesus. Higit sa lahat, hindi na mahalaga kung makita man nating may bunga ang ating gawa. Sapat nang alam natin na tayong lahat ay gumagawa sa ubasan ng Panginoon.