Pagninilay:
Madaling maghusga ang tao. Madalas ay galing ito sa pagmamataas lalo’t kung ito’y nakakasakit ng iba. Kaya nga, walang magandang maidudulot ang paghuhusga sa iba dahil hindi naman tayo ang hukom. Iyon ay walang iba kundi ang Diyos. Tayo ay pareparehong mga taga-sunod lamang sa utos ng Diyos. Siya lang ang may karapatang humusga dahil tanging Siya lamang ang nakakaalam sa kalooban ng bawat tao.
Sa ebanghelyo natin ngayon, natunghayan natin na maging si Hesus ay hinusgahan at pinintasan. Minamaliit Siya ng mga tao dahil sa palagay nila, sila ang tama. Subalit sila pala ay mali. Hindi pala simpleng anak lamang ng karpintero si Hesus tulad ng sabi nila. Siya’y anak ng Diyos. Ngunit bakit hindi nila nakita? Bakit hindi sila naniwala? Dahil ang pagmamataas o pride ang bumubulag sa tao. Ito rin ang naging sagabal para makuha nila ang biyaya at mga himalang dapat sana ay ipagkakaloob ng Diyos sa kanila. Idalangin nating buksan ng Diyos ang ating mga espirituwal na mata. Gawin nawa Niya tayong mababa ang loob nang makita natin Siyang kumikilos sa lahat ng bagay.