Mga kapatid, ngayong ika-1 ng Enero ay ating ipinagdiriwang ang Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos. Si Maria ang Theotokos o ang nagdala sa Diyos. Bilang Ina ng Diyos, dinala ni Maria si Hesus sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan. Ibinahagi niya ang kapayapaan at kagalakang dulot ng Manunubos.
Kung ikaw ang tatanungin, anong dala mo ngayong bagong taon?
Kahapon, bago matapos ang taon marami ang nag-post sa facebook ng kanilang iiwanan sa nagdaang taon at mga dadalhin sa bagong taon. Halimbawa: Iiwanan ko na ang aking mga "emotional baggage" at dadalhin ang "peace of mind" ngayong bagong taon. Iiwanan ko na ang pagiging masungit at dadalhin ang kahinahunan. Iiwanan ko na ang galit sa aking puso at dadalhin ang pagpapatawad. Iiwanan ko na ang lahat ng sakit at problema na idinulot ng nagdaang taon at dadalhin ang mga aral na natutuhan ngayong bagong taon.
Tayo rin, mga kapatid, ay inaanyayahang maging "theotokos" o tagapagdala ng Diyos at hindi ng poot. Dalhin natin ang Diyos sa ating mga buhay upang mapuno ito ng pagpapala. Si Maria ang "bukod na pinagpala sa babaeng lahat" sapagkat siya ang pinili ng Diyos upang maging ina ni Hesus. Sa kanyang awit o “Magnificat” sinabi niyang siya'y tatawaging mapalad ng lahat ng salinlahi. Totoo naman ito sapagkat isang grasya ang maging kalugod-lugod sa paningin ng Diyos. Nawa sa bawat kilos at gawa natin ay masalamin sana ang Emmanuel - na ang Diyos ay sumasaatin, kasama natin. Sa bawat pagbuka ng ating bibig, ang lumabas nawa rito ay pawang pagpapala at kabutihan tulad ni Maria. Sa pagkilos ng ating mga kamay, nawa ito ay puro pagtulong at kawanggawa. Sa paglakad ng ating mga paa, nawa ito ay maghatid sa atin sa buhay na walang hanggan.
Sa pagsisimula natin ngayon ng isang bagong taon, nawa ay isama rin natin ang Diyos. Huwag natin kalilimutang tumawag sa Kanya sa bawat sandali ng ating buhay. Magbigay tayo ng oras sa pananalangin bawat araw. Ito ang magbibigay sa atin ng tunay at pang matagalang galak at kapayapaan sa ating mga puso, sa ating pamilya, sa ating bayan.
Ipinagdiriwang din natin ngayon ang Pandaigdigang Araw ng Pananalangin para sa Kapayapaan. Ipagdasal natin na maghari si Hesus, ang Prinsipe ng Kapayapaan sa ating mga puso. Dalhin natin Siya sa mga taong nangangailangan ng kapayapaan. Ipanalangin natin kay Hesus na magkaroon din ng kapayapaan sa mga lugar na nagkakaroon ng giyera sa mga panahong ito gaya ng Israel at Palestina, ng Russia at Ukraine, at sa iba't ibang panig ng Pilipinas.
Mapagpalang Bagong Taon po sa inyong lahat!
#OLAmarikina #BirhenNgMarikina