“BANAL NA PAMILYA” | Kapistahan ng Banal na Mag-anak Hesus, Maria at Jose
Marga de Jesus | OLA Social Communications

Si Hesus ay naging masunurin sa Kanyang mga magulang. Si Jose at Maria naman ay ginawang sentro ng buhay si Hesus at ang pagsunod sa Diyos.

Disyembre 30, 2023


MABUTING BALITA
Lucas 2, 22-40

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas


Noong dumating ang araw ng paglilinis sa kanila, ayon sa kautusan ni Moises, dinala si Hesus ng kanyang mga magulang sa Jerusalem upang iharap sa Panginoon, sapagkat ayon sa Kautusan, “Ang bawat panganay na lalaki ay nakatalaga sa Panginoon.” At naghandog sila, ayon sa hinihingi ng Kautusan ng Panginoon: “Mag-asawang batu-bato o dalawang inakay na kalapati.”


May isang tao noon sa Jerusalem, ang pangala’y Simeon. Matapat at malapit sa Diyos ang lalaking ito at naghihintay sa katubusan ng Israel. Sumasakanya ang Espiritu Santo na nagpahayag sa kanya na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas na ipinangako ng Panginoon. Sa patnubay ng Espiritu, pumasok siya sa templo. At nang dalhin doon ng kanyang mga magulang ang sanggol na si Hesus upang gawin ang hinihingi ng Kautusan, siya’y kinalong ni Simeon. Ito’y nagpuri sa Diyos, na ang wika,


“Kunin mo na, Panginoon, ang iyong abang alipin,
ayon sa iyong pangako,
yamang nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas,
na inihanda mo para sa lahat ng bansa:
Liwanag itong tatanglaw sa mga Hentil,
at magbibigay-karangalan sa iyong bayang Israel.”


Namangha ang ama’t ina ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa kanya. Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, “Tandaan mo, ang batang ito’y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel, isang tanda mula Diyos ngunit hahamakin ng marami kaya’t mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil diyan, ang puso mo’y para na ring tinarakan ng isang balaraw.”


Naroon din sa templo ang isang propetang babae na ang pangala’y Ana, anak ni Fanuel na mula sa lipi ni Aser. Siya’y napakatanda na. Pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, nang siya’y mabalo. At ngayon, walumpu’t apat na taon na siya. Lagi siya sa templo at araw-gabi’y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin. Lumapit siya nang oras ding iyon at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol kay Hesus sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem.


Nang maisagawa nila ang lahat ng bagay ayon sa Kautusan, bumalik na sila sa kanilang bayan, sa Nasaret, Galilea. Ang bata’y lumaking malakas, marunong at kalugod-lugod sa paningin ng Diyos.


Ang Mabuting Balita ng Panginoon


Pagninilay:


Maligayang Kapistahan po ng Banal na Mag-anak Hesus, Maria at Jose! Maging si Hesus ay kailangang ipanganak at lumaki sa isang pamilya. Isa itong patunay kung gaano kahalaga ang pamilya sa buhay Kristiyano. Ito ay likha at disenyo ng Diyos kaya walang sinumang tao ang makakasira nito. Ang mga nakakasira rito unang una ay ang diborsiyo na gawa ng tao. May paghihiwalay naman na may pahintulot kung talagang mapatunayang hindi ito dapat nangyari mula noong umpisa pa lamang ngunit hindi gaya ng diborsiyo na mas madali at kung anong rason na lamang. Kaya nga sa Estados Unidos, nagiging talamak ito na kahit ang mga dating kalaguyo ay maari nang maging lehitimong asawa. Lahat ng ito’y paninira sa sakramento ng kasal na unang pundasyon ng kahit anong pamilya. Dapat po nating ipanalangin araw-araw ang lahat ng pamilya sa buong mundo.

 

Si Hesus ay naging masunurin sa Kanyang mga magulang. Si Jose at Maria naman ay ginawang sentro ng buhay si Hesus at ang pagsunod sa Diyos. Kung lahat sana ng pamilya ay magiging sentro ang Diyos at ang pakay ay gawin ang Kanyang kalooban sa lahat ng bagay, magiging payapa at mas masaya ang bawat pamilya. Walang kahit anong sakuna o pagsubok ang makakagiba sa kanila. Hindi rin dedepende sa yaman o anumang materyal na bagay ang kanilang pagkakaisa. Humingi tayo ng panalangin kay Maria at Jose na naging tagumpay ang misyon bilang mga magulang ng ating Tagapagligtas. Dahil sa kanila, naging matagumpay din ang misyon ni Hesus dahil Siya’y iningatan at tinuruan nila mula pagkabata. Nawa’y lahat ng magulang ay gawing inspirasyon si Maria at Jose at ang lahat ng anak ay maging tulad ni Hesus na bagamat Diyos ay sumunod sa Kanyang mga magulang. Amen. +

 

#OLAmarikina #BirhenNgMarikina

By KN Marcelo | OLA Social Communications February 5, 2025
Gaya ni San Blas, huwag nawa tayong mag-alinlangang ipagtanggol ang ating pananampalataya. Huwag tayong matakot sa pangungutya o pag-uusig.
By Marga de Jesus | OLA Social Communications February 5, 2025
Kapag binigay natin nang buo ang sarili at buhay sa Diyos upang ang plano Niya ang masunod, magkakaroon tayo ng kasiyahan, kapanatagan ng loob at kapayapaan na hindi natin matatagpuan makuha man natin ang lahat ng yaman sa mundo.
By Chris Alphonsus J. Terence | OLA Social Communications January 28, 2025
Makikita ang karunungan sa ating buhay kung ginagamit natin lahat ng ating kakayahan at kaalaman para sa papuri sa Panginoon at upang tulungan ang iba na mapalapit sa Kanya.
By Marga de Jesus | OLA Social Communications January 24, 2025
Si San Francisco ng Sales ay isang obispo at pantas ng Simbahan. Siya ay kilala bilang “the gentleman saint”.
By Chris Alphonsus J. Terence | OLA Social Communications January 20, 2025
Maaaring hindi natin nararanasan ang pagdurusa na naramdaman ng santo na ating ginugunita ngayon, ngunit tayo ba ay patuloy na naninindigan sa ating pananampalataya?
By Marga de Jesus | OLA Social Communications January 19, 2025
Malapit sa puso ng mga Pilipino ang debosyon sa Señor Sto. Niño. Sa wikang Ingles, ang ibig sabihin nito ay “Holy Child”. Ang “Holy Child” na ito ay walang iba kundi si Hesus.
By Chris Alphonsus J. Terence | OLA Social Communications January 17, 2025
Isa sa kanyang sikreto sa kabanalan ay ang pagdarasal sa Diyos sa maraming beses sa isang araw, lalo na oras ng temptasyon mula kay Satanas.
By KN Marcelo | OLA Social Communications January 15, 2025
Tuwing ika-15 ng Enero ay ginugunita ng Simbahan ang kabanalan ni San Arnold Jannsen. 
By Marga de Jesus | OLA Social Communications January 12, 2025
Ang pagbibinyag ni Juan Bautista kay Hesus ay hudyat ng simula ng pampublikong ministeryo ng ating Panginoon. Magsisimula na ang tatlong taon Niyang pamamalagi sa mundo upang magpagaling ng mga maysakit, magpalayas ng demonyo at mangaral ng Mabuting Balita.
By KN Marcelo | OLA Social Communications January 9, 2025
Nakikita ng mga tao ang kanilang paghihirap sa paghihirap ng Panginoon. Dahil sa Kanya, nararamdaman ng bawat deboto na mayroong Diyos na pwede nilang lapitan – Diyos na handang dumamay sa kanilang pinagdaraanan at nakaiintindi sa kanilang nararamdaman.
More Posts
Share by: