Pagninilay:
Si Santo Tomas na isa sa labindalawang alagad ay naging kilala sa kanyang pagdududa sa Muling Pagkabuhay ni Hesus. Ngunit dahil sa kanyang pananampalataya rin, nagkaroon ng isang napakagandang panalangin, ang “Panginoon ko at Diyos ko.” Lahat man tayo ay magduda sa Diyos, maalala nawa nating maniwala kahit walang ebidensiya dahil Siya ay Diyos at hindi tao. Wala Siyang limitasyon tulad natin. Sambitin natin ang panalanging ito nang may paniniwala at maalala nawa nating Diyos ang bahala sa lahat at ang mga pangako Niya ay totoo.
Binigyan ni Hesus ng kapayapaan ang lahat ng mga alagad kahit na sila ay nawala noong siya ay kailangan. Bukod sa pananalig sa Diyos kahit walang ebidensiya, ang isang matututuhan natin sa ebanghelyo ay pagpapatawad sa kakulangan ng iba sa atin. Hindi lahat ng tao ay makakatugon sa gusto nating gawin. Tayo rin ay may mga pagkukulang sa Diyos.
Nawa’y makita natin kung gaano Siya kamaawain sa ating lahat. Para naman, itong awa na ito ang maibahagi natin sa iba. Kung paanong nagpapasensiya ang Diyos sa ating kawalang tiwala sa Kanya at sa pag-iwan natin kung kailan tayo kailangan ng Diyos, mapatawad din natin ang iba at magsimula ulit sa tulong ng Diyos. Tulad ni Santo Tomas na naging matagumpay na apostol pa rin at naging martir sa pananamapalataya sa huli, nakompleto niya ang kanyang misyon at naging isa sa pundasyon ng Simbahan.
Bagamat siya’y nagduda noon at nagkamali, bumangon din nawa tayo sa pagkakadapa natin sa pananalig sa Diyos sa tulong at grasya na rin Niya. Pumunta tayo sa Kanya sa pananalangin para mawala ang ating pagdududa.