MABUTING BALITA
Juan 6, 24-35
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, nang makita ng mga tao na wala na si Hesus, ni ang kanyang mga alagad, sa lugar na kinainan ni Hesus ng tinapay, sila’y sumakay sa mga bangka at pumunta rin sa Capernaum upang hanapin si Hesus.
Nakita nila si Hesus sa ibayo ng lawa, at kanilang tinanong, “Rabi, kailan pa kayo rito?” Sumagot si Hesus, “Sinasabi ko sa inyo: hinahanap ninyo ako, hindi dahil sa mga kababalaghang nakita ninyo, kundi dahil sa nakakain kayo ng tinapay at nabusog. Gumawa kayo, hindi upang magkaroon ng pagkaing nasisira, kundi upang magkaroon ng pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Ibibigay ito sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat siya ang binigyan ng kapangyarihan ng Diyos Ama.” Kaya’t siya’y tinanong nila, “Ano po ang dapat naming gawin upang aming maganap ang kalooban ng Diyos?”
“Ito ang ipinagagawa sa inyo ng Diyos: manalig kayo sa sinugo niya,” tugon ni Hesus. “Ano pong kababalaghan ang maipakikita ninyo upang manalig kami sa inyo? Ano po ang gagawin ninyo?” tanong nila. “Ang aming mga magulang ay kumain ng manna sa ilang, ayon sa nasusulat, ‘Sila’y binigyan niya ng pagkaing mula sa langit,’” dugtong pa nila. Sumagot si Hesus, “Dapat ninyong malamang hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng pagkaing mula sa langit, kundi ang aking Ama. Siya ang nagbibigay sa inyo ng tunay na pagkaing mula sa langit. Sapagkat ang pagkaing bigay ng Diyos ay yaong bumaba mula sa langit at nagbibigay-buhay sa sanlibutan.” “Ginoo,” wika nila, “bigyan po ninyo kaming lagi ng pagkaing iyon.” “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay,” sabi ni Hesus. “Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom, at ang nananalig sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Hinanap ng mga tao si Hesus hindi dahil sa pananalig kundi dahil mayroon silang nakuha mula sa Kaniya – ang pagkain. Minsan ganito rin ang tao, nakakalimutan na ang tunay na relasyon sa Diyos at mas nakatuon kung ano ang makukuha mula sa Diyos. Nakakalungkot naman kung ganito sapagkat maihahalintulad natin ang Diyos sa ating mga magulang. Alin ba ang mas mahalaga para sa anak, ang naibibigay ng magulang na materyal na bagay o ang presensiya, pag-ibig at relasyon natin sa kanila? Malamang ang sasagot ng karamihan ay ang huli. Sa kailaliman ng puso ng bawat anak ay hinahanap-hanap ang kalinga at aruga ng magulang. Ganito rin tayo sa Diyos. Sa kaibuturan ng ating mga puso ay ang paghahangad sa Diyos na hindi mapupunuan ng kahit ano o sino.
Mapunuan man ito ng sinong tao o materyal na bagay nang wala ang Diyos, saglit lang ang itinatagal ng tuwang ito. Ang tunay na makapagpapasaya sa puso ng tao at makapagbibigay ng kabuluhan sa buhay ng tao ay ang Diyos mismo. Nakakalimutan lamang natin o nabubulagan ang iba dahil sa palagiang pagpili sa kasalanan. Kaya naman, ngayong Linggo na ito ay inaanyayahan tayo ng Diyos na magtungo sa Kanyang tahananan upang magsimba at manalangin nang taimtim. Ang pagtanggap sa banal na sakramento ng Eukarisiya nang may pang-unawa ang maglilinis ng ating puso upang makita natin ang kahalagahan ng Diyos at ng ating relasyon sa Kanya sa ating buhay. Ito ay higit pa sa pagtupad Niya lamang ng ating mga kahilingan.