Tuwing ika-6 ng Agosto ay ipinagdiriwang ng Simbahan ang Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon. Ginugunita sa Kapistahang ito ang nangyari kay Hesus sa Bundok Tabor. Nakita nina Pedro, Santiago, at Juan na nagbagong-anyo si Hesus at nagningning sa kaputian ang kanyang damit habang Siya ay nakikipag-usap kina Moises at Elias.
Ang pagbabagong-anyo ni Hesus ay naganap ilang araw bago ang Kanyang pagpapakasakit sa Herusalem. Dito ay binigyan ni Hesus ng paunang silip ang tatlong Apostol sa Kanyang matatamong kaluwalhatian matapos ang Kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay. Pinatatag Niya sila sa kanilang paglalakbay at pagmimisyon. Bilang mga Kristiyano, tayo rin ay haharap sa mga sarili nating problema at paghihirap. Maging paalala nawa ang kaganapang ito na mayroon tayong matatamong kaluwalhatian kung matiyaga nating susuungin ang kahirapan.
Matuto nawa tayong makinig at sumunod kay Hesus bilang pagtupad sa utos ng Diyos Ama: “Ito ang minamahal kong Anak. Pakinggan ninyo siya!” (Marcos 9:7). Si Hesus ang ating lakas at sandigan. Siya ang magbibigay sa atin ng katatagan upang mapagtagumpayan ang hamon ng buhay. Huwag nawa tayong magsawang lumapit at kumapit sa Kanya sa panalangin at pagsisimba.
Mapagpalang kapistahan po sa ating lahat!