MABUTING BALITA
Marcos 1, 29-39
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, mula sa sinagoga, si Hesus ay nagtuloy sa bahay nina Andres at Simon. Kasama niya sina Santiago at Juan. Nararatay noon ang biyenan ni Simon Pedro, dahil sa matinding lagnat, at ito’y agad nilang sinabi kay Hesus. Nilapitan ni Hesus ang babae, hinawakan sa kamay at ibinangon. Noon di’y inibsan ito ng lagnat at naglingkod sa kanila.
Pagkalubog ng araw, dinala kay Hesus ang lahat ng maysakit at ang mga inaalihan ng demonyo, at nagkatipon ang buong bayan sa may pintuan ng bahay. Pinagaling niya ang maraming maysakit, anuman ang kanilang karamdaman at nagpalayas siya ng mga demonyo. Hindi niya hinayaang magsalita ang mga ito, sapagkat alam nila kung sino siya.
Madaling-araw pa’y bumangon na si Hesus at nagtungo sa ilang na pook at nanalangin. Hinanap siya ni Simon at kanyang mga kasama. Nang siya’y matagpuan, sinabi nila, “Hinanap po kayo ng lahat.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Kailangang pumunta rin naman tayo sa mga kalapit-bayan upang makaparangal ako roon – ito ang dahilan ng pag-alis ko sa Capernaum.” At nilibot niya ang buong Galilea, na nangangaral sa mga sinagoga at nagpapalayas ng mga demonyo.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Sa panahon natin, tila isang simpleng sakit na lamang ang lagnat at madali na itong gamutin ngayon. Para sa Panginoon, maliit man na bagay ituring sa atin ito, ito’y mahalaga sa Kanya. Ang lahat ng bagay tungkol sa atin at sa ating buhay ay mula sa Diyos. Mayroon Siyang plano noong nilikha Niya tayo at ang plano na ito ay naririto pa rin ngayon. Nadidiskubre kaya natin ito? Naitatanong natin kaya sa Diyos kung ano ba ang plano Niya sa ating buhay? Alam na nating sa Diyos nanggagaling ang lahat ng kagalingan at kabutihan. Subalit madalas nakakalimutan nating Siya ang Lider ng ating buhay na dapat masunod para maging maayos ang lahat sa buhay natin.
Nagpagaling si Hesus at nagpalayas ng demonyo. Nangaral Siya at napaghayag ng Mabuting Balita sa Kanyang pampublikonng ministro at ito rin ang sinasabi Niyang gawin natin. Tumulong tayo sa mga gawaing Simbahan. Hindi man tayo makapagpagaling, dumalaw tayo sa maysakit. May mga grupong gumagawa na nito at nagpapakomunyon sa mga maysakit. Malaking bagay ang presensiya natin sa kanila na magiging presensiya ni Hesus para sa kanilang kagalingan, kahit ng kanilang kalooban man lamang. Hindi man tayo mga paring “exorcists” na may awtoridad magpalayas ng demonyo ay sa pamamagitan ng ating panalangin, palagiang pagkukumpisal, pagdalo sa Banal na Misa, at pagtalikod sa kasalanan ay mapapalayas natin ang impluwensiya ng demonyo sa ating buhay. Sa pag-akay natin sa iba sa parehong gawain ay matutulungan din natin silang mapalayas ang kontrol ng diablo sa kanilang buhay.
May magagawa tayo kung gugustuhin natin at marami ito. Nasa atin ang kapangyarihan, grasya at awa ng Diyos kung gusto nating maglingkod sa Kanya tulad ng ginawa Niya noong Siya ay nabubuhay pa rito sa mundo. Ganito rin dapat tayo upang matawag na mga totoong Kristiyano, hindi lamang sa pangalan kundi sa gawa.