Tuklasin at Magnilay
Ang Kapistahan po ngayong araw ay tinatawag na “Feast of the Presentation of the Lord” sa wikang Ingles. Kinailangang pumunta at mag-alay nila Maria at Jose sa Templo dahil ito ang nasasaad sa utos ni Moses. 40 araw matapos manganak, kailangan ng pagdadalisay sa babaeng nanganak dahil para sa mga Hudyo, ang dugo ay marumi. Hindi ito kailangang gawin ni Maria dahil siya ay walang bahid ng dumi o kasalanan subalit siya ay mababa ang loob at masunurin. Hindi niya iniaangat ang sarili sa iba.
Ang alay naman ay para sa bata. Noong nasa Ehipto pa ang mga Israelita, matatandaang iniligtas ng Diyos ang lahat ng panganay na batang lalaki mula sa salot, at ginawa Niyang Kanya ang lahat ng mga panganay na lalaking nagbukas ng sinapupunan ng ina. Bilang pagtubos, kapag pinili ng mga magulang na alagaan ang bata at hindi pagserbisyuhin sa Templo, kailangan nilang mag-alay ayon sa kanilang kakayanan.
Sa Templo rin nakilala ni Simeon ang sanggol na si Hesus. Isa siyang propeta at taong matapat sa Diyos. Kinalong niya ang sanggol at kinilala niya Siya bilang ang Mesiyas. Ayon sa kanya, si Hesus ang Liwanag, kaya nga tuwing Kapistahang ito, naging tradisyon na rin ang magpababasbas ng mga kandila. Habang nagpapabasbas tayo ng mga kandila, alalahanin nating si Hesus ang tunay na Liwanag ng ating buhay.
Marami sa atin ang kung saan-saan o kung kani-kanino nagpupunta para maibsan ang lungkot at anumang pagsubok na dinaranas. Bagamat hindi masama ang maging masaya dahil sa mga bagay sa mundo gaya ng masarap ng pagkain, panonood ng sine at iba pang nakatutuwa, masama ito kung sumusobra na at kung dito at sa ibang tao natin inilalagay ang ating kasiyahan.
Tuwing tayo’y may problema, ang pupuntahan natin dapat ay si Hesus. Tuwing tayo’y nalulungkot, mayroon tayong makakausap. Siya’y nag-aabang sa Tabernakulo ng ating mga simbahan. Hindi nating kailangang gumastos pa. Kung sa mall tayo pupunta, magkakaroon tayo ng panandaliang aliw subalit kailangan ng malaking pera.
Maaring makalimutan ang problema sumandali subalit haharapin ulit natin ito. Mas masama pa, may mga taong sa bisyo kumakapit o sa mga maling tao upang malunasan anumang kulang o puwang sa kanilang puso at buhay. Ang iba naman ay sa mga artista ito nahahanap, sa mga “idolo” na nakakulong sa kung anumang perspektibo ng taga-hangang hinding hindi kailanman makikilala nang tunay at buo ang kanilang hinahangaan.
Mga kapatid, kahit maghanap tayo nang maghanap sa pandandaliang ningning o kislap ng ibang tao o bagay, hinding hindi nito mapupunan ang puso nating may puwang na ang makapupuno lamang ay Diyos. Kung madidiskubre natin ang Liwanag ng Diyos sa pagtitiyaga sa pananalangin at pagtanggap sa Kanya sa Banal na Sakramento ng Eukaristiya, tiyak hindi man ito kasingsaya ng paggagala kung saan-saan o kasing kapanapanabik ng mga tagpo, pelikula o palabas ng mga idolo, madidiskubre naman natin ang natatanging regalo ng pagkilala sa Diyos.
Ito’y hindi maibibigay ng kahit ano at kahit sino sa mundo. Nawa’y ang lahat ay madiskubre at makilala si Hesus sa pamamagitan ng pananalangin at pagninilay sa Kanyang Salita. Makakabuo tayo ng tunay na relasyon sa Kanya bilang ating Diyos at kasa-kasama sa buhay na hindi nawawala. Sa Kanya tayo galing at sa Kanya rin tayo babalik. Kapag tunay nating nakilala ang Diyos, wala na tayong hahanapin pa na kahit alinman sa mundo. Padalisayin nawa ng Panginoon ang ating mga puso. Amen.